PAGADIAN CITY – “Sana patas ang pagtrato sa amin.”

Ito ang apela kay Pangulong Aquino ng pamilya ng ilan sa 44 tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), na napatay sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao, matapos na madiskubre na hindi sila mabibiyayaan ng death benefits dahil wala pang asawa ang kanilang napaslang na mahal sa buhay.

Sinabi ni Rosalie Tayrus, kapatid ni Insp. Rene Tayrus, na kabilang sa 44 napatay na commando, ipinaalam na sa kanilang pamilya na hindi sila makatatanggap ng buwanang pensiyon dahil binata ang status ng opisyal nang maganap ang mapaslang ito.

Ayon kay Tayrus, tatlo mula sa 44 police commando ang may civil status na “single” kaya nang ito ipinarating nila sa kaalaman ni Pangulong Aquino, agad na ipinag-utos ng Punong Ehekutibo sa PNP na magsumite ng panukala sa National Police Commission (Napolcom) upang isulong ang pag-amiyenda sa Presidential Decree 1184 sa Kongreso.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

Subalit sinabi ni Tayrus na hindi makapaghihintay ang kanilang pamilya ng mahabang panahon upang mabiyayaan ng pensiyon upang maitustos sa araw-araw na gastusin.

Nakasaad sa PD 1184 o Integrated National Police (INP) Professionalization Law of 1977, tanging ang mga naulilang asawa ang kanilang lehitimong anak ang mabibigyan ng buwanang pensiyon, na katumbas ang 80 porsiyento ng kanilang buwanang suweldo, sa loob ng limang taon.

“Nanatiling single ang aking kapatid hanggang 28 anyos dahil gusto niyang matulungan ang aking ina. At dahil inialay niya ang kanyang buhay upang ipagtanggol ang ating bansa, dapat gumawa ng hakbang ang Pangulo upang mabawasan ang kalbaryo at pagdadalamhati ng ina ng mga napatay na sundalo,” pahayag ni Tayrus. (NONOY R. LACSON)