Nangako kahapon si Philippine National Railways (PNR) General Manager Joseph Allan Dilay na magbibitiw siya sa puwesto kung walang magiging pagbabago sa serbisyo ng nasabing mass transit system ngayong taon.

Sa public consultation sa panukalang taas-pasahe sa PNR kahapon, nangako si Dilay na magbibitiw siya sa puwesto kung hindi mararamdaman ng mga pasahero ang pinag-ibayong serbisyo ng PNR kasunod ng taas-pasahe.

Plano ng PNR, na pinangangasiwaan ng gobyerno, na mula sa P0.71 ay maging P1.07 na ang singil sa kada kilometro ng biyahe ng tren, na nangangahulugang magiging P15 na ang kasalukuyang minimum na pasahe sa PNR, habang magiging P60 na ang P45 na pinakamataas na singil ng PNR.

“If no improvement is felt this year, I better leave my post,” sinabi ni Dilay sa harap ng wala pang 100 pasahero na dumalo sa public consultation kahapon ng umaga.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

Ayon sa mga pasahero, bukas sila sa posibilidad na itaas ang pasahe sa PNR, ngunit inireklamo ang malalang kondisyon at serbisyo ng pasilidad. Ang P116 milyon na dagdag na kikitain ng PNR sa taas-pasahe ay gagamitin sa pagbili at pagkakabit ng mga turnstiles sa mga pangunahing istasyon na nagkakahalaga ng P7.1 milyon, at mga upuan na nagkakahalaga ng P0.68 million. Popondohan din ang pagpapalawak ng bubungan at istasyon para mapalaki ang mga passenger holding area, na gagastusan ng P160 milyon.

Sinabi ni Dilay na irerekomenda ng PNR na ipatupad ng Department of Transportation and Communication (DoTC) ang dagdag-pasahe sa unang bahagi ng susunod na buwan. (Kris Bayos)