Ipinag-utos ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General William Hotchkiss ang pagsibak sa puwesto sa officer-in-charge ng Kalibo International Airport na si Cynthia V. Aspera dahil sa palpak na pagpapatupad ng seguridad sa paliparan.

Dahil naman sa kasong neglect of duty, pinatawan din ng isang buwang suspension sina Joel Itulid at Arnold Barreda, kapwa security personnel ng CAAP; at sina Kenny Afable at Irene Andrade, kapwa gate inspector.

Ito ay matapos malusutan ang mga nabanggit ni Leah Regino, na umano’y may problema sa pag-iisip pero nakasakay sa biyahe ng Philippine Airlines (PAL) patungong Incheon, South Korea nang walang pasaporte at plane ticket ilang buwan na ang nakararaan.

Nang makarating sa Incheon International Airport, nadiskubre ng Korean airport authorities na walang travel document si Regino kaya ipinatapon siya pabalik ng Manila sakay din ng PAL flight.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Base sa imbestigasyon ng CAAP, walang tauhan ng CAAP ang nakapansin kay Regino nang dumaan siya sa security gate ng KIA matapos sabayan ang isang grupo ng mga turistang Korean na sumakay din ng chartered plane ng PAL.

Sa kabila nito, nagsasagawa ng sariling imbestigasyon ang PAL management hinggil sa insidente.