DASMARIÑAS, Cavite – Patay ang isang 63-anyos na ginang at sugatan naman ang anak niyang dalaga matapos silang mabundol ng isang humahataw na pampasaherong bus habang tumatawid sila sa Aguinaldo Highway sa Barangay Sampaloc I sa siyudad na ito noong Sabado ng gabi.

Patungo sana ang mag-inang sina Gregoria Animan Cuyom at Ageli Joy, 20, sa kanilang kamag-anak sa Silang nang mangyari ang aksidente dakong 8:20 ng gabi noong Sabado.

Idineklarang dead on arrival ang nakatatandang Cuyom sa Asia Medic Hospital sa Dasmariñas, na roon din isinugod ang kanyang anak na nagpapagaling pa sa tinamong sugat sa katawan.

Sinabi ni Senior Insp. Fermel V. de la Cruz na magkahawak-kamay na tumatawid ang mag-ina sa Aguinaldo Highway upang sumakay ng bus patungo sa Silang nang biglang mahagip ng isang provincial bus na may plakang DWV-379.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon pa umano si Angeli Joy sa kabilang bahagi ng kalsada at muling nahagip ng isang dumaraang kotse (MRX-868) na patungo naman sa Pala-pala.

Kinasuhan na ng pulisya ang driver ng pampasaherong bus na si Christopher P. Bentoso habang pinaghahanap naman ng pulisya ang may-ari ng kotseng nakahagip din sa nakababatang Cuyom.