Iginiit ni Magdalo party-list Rep. Francis Ashley Acedillo na ang pagkakaroon ng executive session sa Kamara kung saan inaasahang ibubuhos ng nagbitiw na hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Director General Alan LM Purisima ang kanyang nalalaman sa madugong operasyon ng PNP-Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao.

Kapwa naniniwala si Acedillo at 1-BAP party-list Rep. Silvestre Bello III na dapat talakayin ng mga mambabatas ang isyu kung si Purisima nga ang unang nagbigay-alam kay Pangulong Aquino hinggil sa pagkakaipit ng mga tauhan ng PNP-SAF sa unang bugso ng enkuwentro sa mga puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) noong umaga ng Enero 25.

“Kung intelligence aspect ang pag-uusapan, payag ako na magkaroon ng executive session,” pahayag ni Acedillo.

“Subalit marami pa ring aspeto na dapat linawin ni Gen. Purisima sa kanyang naging papel sa Mamasapano operation sa mga pagdinig ng Kamara na bukas sa publiko,” giit niya.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Ayon kay Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Order na nangunguna sa imbestigasyon, posibleng magkaroon pa ng dalawang pagdinig sa Mamasapano clash upang mabigyan pa ng pagkakataon si Purisima na maihayag ang kanyang nalalaman sa madugong operasyon kung saan namatay ang 44 police commando.

Nakatakda ring ilabas ng Senate Committee on Public Order ang partial report matapos ang dalawang closed-door session ng Mataas na Kapulungan.

Kumpiyansa si Bello na tanging sa executive session lamang lalabas ang katotohanan sa palpak na police operation.

“Kung iyon lang ang paraan upang kumanta si General Purisima, bakit hindi?” pahayag ni Bello sa text message.

Matatandaan na ilang ulit humiling si Purisima ng executive session nang tanungin ng mga kongresista kung sino ang nagbigay-alam kay PNoy na nalagas na ang puwersa ng PNP-SAF sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano noong umaga ng Enero 25 habang ang Punong Ehekutibo ay nasa Zamboanga City upang bisitahin ang mga biktima ng isang insidente ng pagsabog kamakailan.

Bukod kay Purisima, humiling din ang sinibak na PNP-SAF chief na si Director Getulio Napeñas nang tanungin ng komite kung sino ang nagbigay ng daliri ng napatay na Malaysian terrorist ni si Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan,” sa US Federal Bureau of Investigaion (NBI) upang sumailalim sa DNA test.