Inilagay sa pinakamataas na security alert ang lahat ng puwersa ng pulisya sa Mindanao kaugnay ng posibleng paghihiganti ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at iba pang tagasuporta ng napaslang na terrorist leader na Zulkfli Bin Hir, alyas “Marwan.”

Sinabi ni Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., director ng Northern Mindanao Regional Police, na inatasan na ang lahat ng police commander na paigtingin ang target-hardening at intelligence-gathering operation sa kani-kanilang hurisdiksiyon upang matiyak na hindi makapaglulunsad ng opensiba ang mga extremist group laban sa pulisya.

“Inatasan ko na ang mga police commander na palakasin ang police visibility sa lahat ng vital installation, malalaking establisimiyento at lugar kung saan maraming tao,” pahayag ni Cruz. “Magtatatag din kami ng surprise random checkpoint.”

Partikular na binabantayan ng Philippine National Police (PNP) ang ilang kritikal na lugar sa North Cotabato, na roon namamataan ang puwersa ng BIFF sa hangganan ng Maguindanao.

SP Chiz, nanindigang walang isinukong soberanya ang bansa sa pagkaaresto kay FPRRD

Kabilang din sa mga tinutukan ng awtoridad ang mga bus terminal at shopping mall, na posibleng puntiryahin ng BIFF.

Bagamat napatay na si Marwan, ang Malaysian bomb expert na may patong sa ulo na US$6 million, nakatakas naman ang kasamahan nitong si Basit Usman, na may cash reward na US$1 million.

Kinumpirma ng pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang pagkamatay ni Marwan isang araw matapos ihayag ni Pangulong Benigno S. Aquino III na napatay ang Malaysian terrorist sa pagsalakay ng PNP-SAF sa Mamasapano, bagamat 44 sa SAF ang nasawi.