Mga laro ngayon (Fil-Oil Flying V Arena):
2pm -- Cebuana Lhuillier vs. Jumbo Plastic
4pm -- Cafe France vs. Bread Story-Lyceum
Makamit ang karapatang harapin ang naunang semifinalists na Cagayan Valley at Hapee ang pag-aagawan ngayon ng mga koponang Bread Story at Cafe France gayundin ng Cebuana Lhuillier at Jumbo Plastic sa pagpapatuloy ng quarterfinals ng 2015 PBA D-League Aspirants Cup sa Fil-OIl Flying V Arena sa San Juan City.
Pumasok na No. 5 at No. 6 teams sa playoffs, nakapuwersa ng winner-take-all matches kapwa ang Pirates at ang Gems nang kanilang talunin ang kanilang mga katunggali sa unang laro noong nakaraang Huwebes.
Ginulantang ng baguhang Bread Story ang third seeded na Cafe France, 79-72 upang burahin ang twice-to-beat advantage na taglay ng Bakers habang pinataob naman ng Gems ang no.4 seed
Jumbo plastic Linoleum Giants, 63-53 para palisin din ang taglay nitong bentahe.
Umaasa si Gems coach Boysie Zamar na magpapatuloy ang kanyang mga manlalaro sa pagtugon sa kanilang hamon na magpakita ng magandang laban at talunin ang isa sa mga itinuturing na malakas na team sa liga para makausad ng Final Four round.
``We challenged them to prove to us that they can play as a team especially against the stronger ones,” pahayag ni Zamar na tinutukoy ang katunggaling Jumbo at ang mga semifinalists ng Cagayan at Hapee.
Gayunman, inaasahan na aniya nila ang gagawing adjustment ng Giants kung kaya kinakailangang maging handa sila at manatiling naka-focus sa kung ano ang dapat nilang gawin at sa kanilang misyon.
Para naman kay coach Bonnie Tan ng Pirates, batid din nilang babawi ang Bakers na aniya`y tila nagulat sa kanilang ipinakitang laro bilang isa sa mga baguhang teams na nakapasok ng playoffs.
Ayon pa kay Tan, gaya din ng obserbasyon ng marami, isa sa mga dahilan ng pagkatalo ng Bakers ay ang naging desisyon nitong magpalit ng players at kumuha ng reinforcements sa katauhan nina Carl Bryan Cruz at Gelo Alolino na kapwa galing sa ousted ng MJM-M Builders.
Ngunit naniniwala naman siya na kaya ng mga itong ,makabalik at makagawa ng kaukulang adjustment kung kaya paghahandaan aniya nila itong mabuti para sa target nilang makumpleto ang isang malaking upset sa liga.