Nabiktima ng hacking ang nasa 20 website ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan upang igiit ang hustisya sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) sa engkuwentro ng mga ito sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Kabilang sa mga na-hack ang mga website ng pamahalaang panglalawigan ng Zamboanga Del Sur at ng pamahalaang bayan ng Libungan sa Cotabato, gayundin ang Department of Trade and Industry, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Optical Media Board (OMB), at iba pa.
Na-hack kahapon ang http://www.bps.dti.gov.ph/, http://spo.bislig.gov.ph/, http://pmis.bislig.gov.ph/, http://cmis.bislig.gov.ph/, http://lib.bislig.gov.ph/, http://bislig.gov.ph/, http://drhtagum.gov.ph/, http://opms.dti.gov.ph/, http://spda.gov.ph/, http://www.butuan.gov.ph/, http://pricewatch.dti.gov.ph/, http://www.niccep.dti.gov.ph/, http://braulioedujali.gov.ph/, http://joserizal.nhcp.gov.ph/images/, http://www.tesda11.com/, http://omb.gov.ph/ombnew/, http://www.zamboangadelsur.gov.ph/, http://libungan.gov.ph/, http://midsayap.gov.ph/, at http://paoaccreditation.dti.gov.ph/.
Ayon sa grupo ng hackers, kabilang sila sa BloodSec International na nananawagan ng hustisya para sa mga nasawing miyembro ng SAF ng Philippine National Police (PNP).
Nakiramay din ang grupo sa pamilya ng mga nasawing pulis.
Pinuna rin ng grupo si Pangulong Benigno S. Aquino III sa hindi nito pagdalo sa arrival honors para sa tinaguriang “Fallen 44” sa Villamor Airbase noong Huwebes, at na-late pa umano sa negrological service sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City noong Biyernes.