Ipinag-utos ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang imbestigasyon sa pagsabog sa Zamboanga City, na dalawa ang nasawi at 53 iba pa ang nasugatan, noong Biyernes ng hapon.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na may tinutumbok nang anggulo ang awtoridad upang matukoy ang grupo na nasa likod ng pagpapasabog subalit tumanggi siyang magbigay pa ng karagdagang detalye habang isinusulong ang imbestigasyon.

“Nagbigay na po ng instructions ang Pangulo para naman po doon sa masusing imbestigasyon,” pahayag ni Valte.

Ipinaalam na rin sa Pangulo ang mga hakbangin ng lokal na pamahalaan at pulisya ng Zamboanga City sa pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng pagsabog.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

“Sa ngayon, ang tanging masasabi namin ay mayroon nang ebidensiyang pinanghahawakan ang mga imbestigador na nagtuturo sa ganoong partikular na anggulo,” ayon sa opisyal.

Samantala, bigo ang Philippine National Police (PNP) na mahuli ang umano ay may-ari ng kotse na sumabog sa tapat ng bus terminal na ikinasawi ng dalawang tao at ikinasugat ng 54 na katao sa Barangay Guiwan sa siyudad.

Ayon sa imbestigasyon, isang lalaki ang nakitang nagmaneho sa kotse at ipinarada ito sa tapat ng terminal bago ang pagsabog.