ISA na namang kapana-panabik na kuwento ang handog ng Maalaala Mo Kaya ngayong gabi. Ito ay isang nakakaantig na kuwento tungkol sa relasyon ng isang ama sa kanyang anak na binabae. Pinagbibidahan ng mga de-kalibreng aktor sa industriya at handog muli ng ABS-CBN sa halos 23 taong pagiging bahagi ng tahanan ng bawat Pilipino saan man sa mundo.

Ang Maalaala Mo Kaya na pinamumunuan ng business unit head na si Malou Santos at ng creative manager na si Mel Mendoza del Rosario ay nagpaluha, nagpangiti, nagbigay aral at inspirasyon sa bawat Pilipinong nanonood nito. Isang pagbabahagi ng mga totoong kuwento ng buhay.

Magsusukatan ng husay sa pagganap ang dalawang magagaling na aktor na itatampok ngayong gabi sa programa, ang award-winning na sina Edgar Allan Guzman at Nonie Buencamino. Gaganap si Edgar bilang si Jing, ang bading na anak na cargiver. Si Noni Buencamino naman ang gaganap bilang ama na si Adoy. Hindi pangkaraniwan ang kuwento ng kanilang pamilya na bagamat may mga di-pagkakaunawaan ay hahamakin ang lahat upang maging lakas at gabay ng bawat isa. Sa una ay tutol ang ama sa pagiging bading ng anak ngunit mananatili niya itong sandalan sa gitna ng mga pagsubok.

Makakasama nila sa episode ngayong gabi sina Sharmaine Centenera, John Spainhour, Mikylla Ramirez, Casey Da Silva, Neil Coleta, Kokoy de Santos, at Pinoy Big Brother Alumni na sina Vicky Rushton at Rica Paras, mula sa anulat ni Ruel Montanez at sa direksyon ni Efren Vibar.

National

Unemployment rate sa ‘Pinas, bumaba sa 3.9% – PSA

Napapanood ang longest-running drama anthology sa Asya tuwing Sabado, 7:15 PM pagkatapos ng Home Sweetie Home sa ABS-CBN. Para sa iba pang updates, mag-log on sa MMK.abs-cbn.com, sundan ang @MMKOfficial sa Twitter, at i-like ang Facebook.com/MMKOfficial. I-tweet ang inyong saloobin at opinyon kaugnay ng episode ngayong Sabado gamit ang hashtag na #MMKSameLove.

Samantala, maaari na ring panoorin ang full episodes o past episodes ng MMK gamit ang ABS-CBNmobile. Pumunta lamang sa www.abscbnmobile.com para sa karagdagang impormasyon.