Dinukot ng mga armadong lalaki ang isang South Korean mining engineer sa Lanao del Sur, iniulat kahapon sa Camp Crame.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Song Ki Eon, nakatalaga sa isang mining company na nakabase sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ni Saguiran municipal police commander Senior Inspector John Condo, kasama ng biktima si Police Officer 3 Roel Billiardo nang maganap ang pandudukot noong Enero 19.

Patungo noon si Song, sakay ng itim na Toyota Avanza, sa isang kliyente sa Iligan City nang bigla siya nitong tawagan at pinadiretso sila sa Marawi City. Pagsapit sa national highway sa Barangay Mipaga ay pinara sila ng tatlong suspek at sumakay.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Lumalabas na kilala ni Song ang tatlong lalaki na sumakay sa kanyang van at inabisuhan siya ng kanyang escort na huwag nang tumuloy dahil mapanganib. Sa puntong ito, tinutukan ng baril at dinisarmahan ng tatlong lalaki ang escort na si PO3 Billiardo at sapilitang pinalipat sa nakaparadang sasakyan ang Koreano.

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang impormasyon kung ano ang nangyari kay Song.

Wala pang umaako sa kidnapping subalit may hinala ang mga awtoridad na ang grupong Pentagon ang responsable sa insidente. Kabilang sa mga naging biktima ng grupo ang paring Italian na si Fr. Guissepe Pierrantoni noong 2001.