Sa kabila ng paghingi ng paumanhin ng Cebu Pacific Air hinggil sa pagkakaantala at kanselasyon ng mga flight nito noong Pasko, nagkasundo ang mga miyembro ng House Committee on Transportation na ipasa ang isang resolusyon na magoobliga sa mga local at foreign airline company na bayaran ang lahat ng pasaherong naperwisyo nito dahil sa kapalpakan sa serbisyo.

Sa isinagawang pagdinig sa umano’y mga kapalpakan sa operasyon ng Cebu Pacific sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong nakaraang Disyembre na ikinagalit ng libu-libong pasahero, inaprubahan ng komite na pinamumunuan ni Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento ang resolusyon matapos ito suportahan ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone.

Umani rin ng suporta sa Civil Aeronautics Board (CAB), nakasaad sa resolusyon na dapat panagutin ang mga airline company, tulad ng pagbibigay ng kompensasyon sa mga pasahero, dahil sa perwisyong naidulot sa mga ito sa pagkakaantala at pagkansela ng mga flight sa NAIA Terminal 3.

Ang pagpasa sa resolusyon ay isinagawa ng mga kongresista sa harapan ng mga opisyal ng Cebu Pacific, kabilang ang president at chief executive officer na si Lance Gokongwei.
National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino