Matagumpay na nasagip ng pulisya ang isang limang taong gulang na lalaki nang salakayin ang isang hotel sa Cebu City noong Martes ng gabi at naaresto ang kidnapper ng biktima.

Kinilala ni Senior Supt. Robert Fajardo, hepe ng Philippine National Police (PNP)-Anti-kidnapping Group, ang naarestong suspek na si Allan Quilbo, 58-anyos.

Sinabi ni Fajardo na ang suspek ay hindi lamang kaibigan ng mga magulang ng biktima subalit kasamahan pa ito sa isang religious organization.

“Ipinaalam ng suspek sa magulang ng bata na isasama lamang ito upang bumili ng coloring book,” ani Fajardo.

National

Impeachment complaint ng Makabayan vs VP Sara, tinawag na ‘political opportunism’ ng NSC

“Subalit simula noon, hindi na ibinalik ang bata at sa halip ay humingi ng ransom ang suspek bilang kapalit ng kalayaan ng biktima,” dagdag ni Fajardo.

Nagdeposito ang magulang ng biktima ng P16,000 sa bank account ni Quilbo subalit hindi pa rin niya pinalaya ang paslit kaya naglunsad na ng rescue operation ang pulisya.

Dakong 9:00 noong Martes ng gabi nang matiyempuhan ng Anti-Kidnapping Group si Quilbo sa isang silid sa Pelaez Extension, Cebu City dahilan upang salakayin nila ang naturang establisimiyento.