Umani ng iba’t ibang reaksiyon ang panibagong social media post ni Sen. Imee Marcos laban kay Sen. Panfilo "Ping" Lacson tungkol sa usapin ng Constitutional Assembly o Con-Ass kaugnay ng Charter change.
kalakip ng post ni Marcos ang isang art card kung saan mababasa ang mga naging pahayag ni Lacson at ni dating Senate President Tito Sotto III tungkol sa con-ass.
Mababasa rito ang pahayag ni Sotto na mababasa sa kolum ng isang lokal na pahayagan na umano'y nagsabing inilatag umano ng House Speaker ang ideya ng Cha-cha sa isang pagpupulong. Kasunod nito, mabilis rin namang itinanggi ni Lacson ang alegasyon.
Sa isang pahayag noong Biyernes, Mayo 22, sinabi umano ni Lacson na “outright lie” umano ang paratang at nilinaw niyang limitado lamang ang caucus ng minorya at hindi umano napag-usapan doon ang Con-Ass.
Sa kaniyang post, binanatan ni Marcos si Lacson at iginiit na mabilis daw ang pagtanggi ni Lacson gayong nagkaroon umano ng isang pagpupulong sa isang hotel para maisulong ang charter change.
"Nagkaroon ng meeting sa Solaire at pinagusapan ang Con-Ass. Ambilis magdeny ni Ping. Sagutin mo, STRAIGHT dapat, Kasama ka ba sa meeting? Yes or No?" anang senadora.
ANO ANG CHA-CHA AT CON-ASS?
Kung tutuusin, hindi na bago ang pagbanggit sa tinatawag na "Cha-Cha" noon pa man, pero hindi ito tumutukoy sa isang uri ng sayaw.
Ang Charter Change o Cha-cha ay tumutukoy sa proseso ng pagbabago o pag-amyenda sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas.
Isa sa tatlong paraan upang maisagawa ito ay ang Constituent Assembly o Con-Ass, kung saan ang mga kasalukuyang senador at kongresista ang sama-samang tatalakay at bubuo ng mga panukalang pagbabago sa Saligang Batas.
May tatlong uri ng Cha-Cha:
1. Constituent Assembly (Con-Ass)– Ang mga nakaupong miyembro ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso ang magsisilbing grupo na mag-aamyenda sa Konstitusyon.
2. Constitutional Convention (Con-Con)– Ang mga mamamayan ang boboto ng mga delegado na siyang mangunguna sa pagrebisa o pagbabago ng Konstitusyon. Hindi maaaring maging delegado ang mga kasalukuyang politiko.
3. People’s Initiative– Direktang nakikilahok o nakikisangkot ang taumbayan sa pagsusulong ng pagbabago sa Konstitusyon sa pamamagitan ng pagpirma sa isang petisyon na dapat makakuha ng itinakdang bilang ng rehistradong botante.
Kamakailan lamang, umiikot ang tsikang isinusulong umano ang Cha-Cha para umano'y ma-extend ang panunungkulan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at hindi magkaroon ng eleksyon sa 2028, o kaya naman daw, pataasin ang age requirement ng puwedeng tumakbong pangulo para umano hindi mag-qualify rito si Vice President Sara Duterte, na nauna nang magsabi ng kaniyang intensyon sa pagtakbo sa pagkapangulo.