WALA naman sa kanyang agenda, ngunit ang pag-abot ni Pope Francis sa iba pang pananampalataya, partikular na ang Islam, ay masyadong kilala kung kaya umaasa ang mga Muslim leader sa Pilipinas na bibigyan niya ng tinig ang mga pagsisikap tungo sa kapayapaan sa Mindanao.

Ang dalawang respetadong Muslim leader - sina Dean Julkipli Wadi ng University of the Philippines Institute of Islamic Studies at Chief Supt. Ebra Moxsir ng Philippine National Police Chaplain Service - ay kasama sa mga leader ng iba pang religious groups na inimbita na makipagkita kay Pope Francis sa University of Santo Tomas ngayon. Maraming iba pang Muslim leader, partikular na si Mohagher Iqbal, chaiman ng peace panel ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), ang nagnanais ding makipagkita sa Papa ngunit batid niyang mahigpit ang schedule nito kaya hindi mapahihintulutan. Gayunman, hinihiling nila na magsalita ang Papa para sa kapayapaan sa Mindanao.

Masasabi na sa loob ng maraming siglo ng kolonisasyon ng Kastila na sinundan ng mga Amerikano, nabigong isama ang mga Moro sa sentro ng pamamahala sa Maynila. Nagkaroon ng mga pagsiklab ng karahasan - minsan ng nag-iisang huramentado at sa ibang pagkakataon ang mga organisadong grupo tulad ng Abu Sayyaf, at sa huling mga taon ang mga laganap na organisasyon tulad ng Moro National Liberation Front (MNLF) at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) – na suportado ng MNLF – ay isang eksperimento ng autonomous regional government. Gayong nabigo, nilalayon ngayon itong palitan ng Bangsamoro entity - na suportado ng MILF. Ang Bangsamoro Basic Law ay nasa Kongreso na kung saan kinakaharap nito ang maraming oposisyon dahil sa mga isyung konstitusyonal.

SP Chiz, may paalala sa mga senador tungkol sa isyu ng impeachment

Itinuturing ng mga Muslim sa bansa na isang biyaya ang pagbisita ngayon ni Pope Francis sa Pilipinas, sapagkat siya ang pinuno ng mahigit 1.3 bilyong Katoliko, na umaabot sa Islam at iba pang pananampalataya. Kamakailan lang, binisita niya ang Istanbul, Turkey kung saan nanalangin siyang kasama si Grand Mufti Rahmi Yaran sa Blue Mosque sa Istanbul. Sa bansang ito na may 80 milyong Katoliko, ang kanyang mga salita para sa kapayapaan ay muling nakapagbibigay ng katiyakan sa bansa at sa mga leader nito.

Ang atin ay isang bansa na may maraming ethnic group at mga relihiyon na madalas na magkakasalungat sa isa’t isa, ngunit walang ibang mas mapaminsala kaysa deka-dekadang karahasan sa Mindanao. Nanawagan na ang ating mga kapatid na Muslim kay Pope Francis at hiniling ang kanyang suporta at pagbabasbas, batid ang kanyang pagsisikap para sa kapayapaan sa iba pang bahagi ng mundo. Umaasa tayo na sa kanya mismong presensiya sa ating bansa kahit paano ay maghahatid ng kapayapaan na tiyak sa mga taong may mabuting kalooban.