Ni KRIS BAYOS

Dapat na seryosong ikonsidera ng mga commuter sa Metro Manila na limitahan ang kanilang mga biyahe sa buong panahon ng Papal visit makaraang magdesisyon ang gobyerno na isara ang istasyon ng tren malapit sa Apostolic Nunciature sa mga araw na nasa Maynila si Pope Francis.

Inihayag ni Atty. Hernando Cabrera na may mga oras na kakailanganing isara ang Light Rail Transit (LRT) 1 Quirino Station sa Enero 15-19 upang matiyak ang seguridad ng Apostolic Nunciature, na magsisilbing opisyal na tirahan ni Pope Francis sa Maynila.

“Ang pagsasara ng Quirino station ay bahagi ng pangkalahatang security measures para sa Papa, dahil ang LRT 1 Quirino station ay napakalapit, at tanaw nga mula rito ang Papal residence compound na nasa pagitan ng Leon Guinto Street at Taft Avenue,” paliwanag ni Cabrera.

National

Unemployment rate sa ‘Pinas, bumaba sa 3.9% – PSA

Sa kanyang post sa Twitter, sinabi ni Cabrera na normal ang operasyon ng LRT 1 sa buong Papal Visit pero hindi magbababa at magsasakay ng mga pasahero sa Quirino Station mula 4:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi sa Huwebes; 5:00 ng umaga hanggang 10:00 ng gabi sa Biyernes; 5:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga at 5:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi sa Sabado; 5:00 ng umaga hanggang 10:00 ng gabi sa Linggo; at 9:00 ng umaga hanggang 10:00 ng gabi sa Lunes.

Batay sa inilathalang schedule, buong araw na isasara sa mga pasahero ang LRT 1 Quirino Station sa Biyernes at Linggo kaugnay ng malalaking aktibidad ni Pope Francis sa Maynila sa nasabing mga araw.

Inaasahan na ng LRT Authority na maaapektuhan ng pagsasara ng Quirino Station ang may 13,437 pasahero sa umaga at 24,021 pasahero sa hapon sa buong panahon ng Papal Visit.

Bukod sa pagsasara ng Quirino Station, inoobliga rin ang mga tren ng LRT 1 na bagalan ang takbo at iwasan ang pagbusina sa pagitan ng mga istasyon ng Quirino at Vito Cruz.