Mistulang lumusot sa butas ng karayom ang Ateneo de Manila University (ADMU) bago binigo ang De La Salle-Zobel, 69-67, upang mapanatiling malinis ang kanilang imahe sa ginaganap na UAAP Season 77 juniors basketball tournament sa Blue Eagle Gym.

Kinumpleto ni leading MVP contender na si Mike Nieto ang isang fastbreak lay-up, may 12.1 segundo na lamang ang nalalabi sa orasan, na siyang nagsilbing winning basket para sa Blue Eaglets na nanatiling walang talo matapos ang walong laro.

Ito ang pangalawang pagkakataon na nakapag-deliver ng clutch basket si Nieto para sa Ateneo kasunod nang pagsalba niya sa kanilang koponan kontra sa defending champion National University (NU), 66-64, sa pagtatapos ng first round na tumapos sa 22-game winning streak ng Bullpups.

Nanguna para sa Blue Eaglets si Jolo Mendoza na nagtala ng 22 puntos kasunod ang kakambal ni Nieto na si Matthew na nagposte ng 13 puntos.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Maliban sa kanyang winning basket, nag-ambag din si Nieto ng 18 rebounds.

Sa iba pang laban, nalasap naman ng NU ang kanilang ikalawang sunod na pagkabigo sa kamay ng Far Eastern University (FEU)-Diliman nang talunin nila ang una sa double overtime, 68-65.

Ngunit sa kabila ng pagkatalo, naging konsolasyon para sa Bullpups na manatili sa second spot na hawak ang 6-2 (panalo-talo) baraha kasunod ang Baby Tamaraws at ang Junior Archers na magkasalo sa third spot na tangan ang markang 5-3.

Malapit na sa double-double ang naitalang performance ni Marvin Lee na tumapos na may 25 puntos at 9 rebounds para sa FEU habang nagdagdag naman sina Wendell Comboy at Christian Fajarito ng tig-10 puntos.

Nagwagi rin ang Adamson University (AdU) kontra sa UP Integrated School, 76-52, para umangat sa barahang 4-4 (panalo-talo) habang tinalo naman ng University of Santo Tomas (UST) ang University of the East (UE), 77-67, para sa ikatlo nilang panalo sa loob ng walong laro.

Bumaba naman ang Junior Maroons at ang Junior Warriors sa 1-7 at 0-8 baraha, ayon sa pagkakasunod.