Napikon si Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso Alcala sa mga nagpaparatang sa kanya sa kontrobersyal na kartel sa bawang na nagresulta sa paglobo ng presyo nito.

Paliwanag ni Alcala, nais lamang ng kanyang mga kritiko na sirain ang kanyang pangalan para matanggal siya sa puwesto at malaya na ang mga ito na magagawa ang mga plano nila.

Nasa likod aniya nito ang mga importer ng bawang na nagalit sa kanya nang buhayin niya ang lokal na industriya ng bawang dahil malaking kawalan ito sa kanila.

Inihayag din Alcala na may mga nanghihingi sa kanya ng pabor para makakuha ng special permit sa pag-angkat ng bawang ngunit wala naman umano siyang direktang control dito.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Matatandaang ibinunyag ni Lilybeth Valenzuela, isa sa mga importer ng bawang, na sinabi umano sa kanya ni dating Bureau of Plant Quarantine Director Clarito Barron na kailangan nilang magkaroon ng koneksyon kay Alcala para makakuha ng special permit.

Kinumpirma naman ng Kalihim na kilala niya si Valenzuela at isa umano ito sa mga nanghihingi ng pabor sa kanyang opisina na hindi naman niya pinagbigyan.