SA pamamayagpag ng mga smuggler, tila hindi nababahala ang mga awtoridad sa pagsasamantala ng itinuturing na mga salot ng lipunan; naririyan pa rin sila at walang patumangga sa pagpupuslit ng milyun-milyong pisong halaga ng mga kontrabando sa pakikipagsabuwatan ng mismong mga itinalaga upang lipulin ang mga katiwalian sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, lalo na sa Bureau of Customs (BOC).

Isipin na lamang na mismong ang New Bilibid Prison (NBP) ay pinamumugaran ng mga smuggler; hindi mapigilan o talagang hindi pinapansin ang pagpasok ng mga kontrabando na kinabibilangan ng mga bawal na droga. Nadiskubre ang ganitong mga alingasngas nang mabunyag ang sinasabing pagbubuhay-hari ng mga high-profile inmate na nahatulan sa mabibigat na krimen.

Ito marahil ang nagbunsod sa BOC upang buhayin ang Water Patrol Division (WPD) nito laban sa walang humpay na smuggling sa karagatan. Matagal nang hindi gumagana ang BOC-WPD dahil sa kakulangan ng pondo. Ngayon naglaan ang Kongreso ng P20 milyon para sa pagbili ng dalawang patrol boat, inaasahang madali nang matumbok ang mga big-time smuggler sa operasyon nito sa mga coastal town. Dati, ang BOC ay umaasa lamang sa ayuda ng Philippine National Police (PNP), Maritime Group at Philippine Coast Guard (PCG) sa pagtugis sa mga smuggler.

Sa kabila ng sama-samang pagsisikap ng naturang mga ahensiyang pangseguriad, hindi mapawi ang mga katanungan: Bakit hindi masugpusugpo ang talamak na smuggling sa bansa, lalo na nga sa BOC? Katakuttakot na ang inilunsad na kampanya laban sa pagpupuslit ng iba’t ibang produkto – bigas, sibuyas, bawang at mga mamahaling kagamitan. Nagaganap ang katiwaliang ito sa ‘tungki ng mga ilong’ ng mga alagad ng batas. Subalit tinatawanan lamang sila ng mga smuggler na may maliwanag na pakikipagsabuwatan sa mga awtoridad. At lalong maliwanag na ang nakadidismayang smuggling operations ay may bendisyon ng mga may kapangyarihan.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

Sa paglutas ng naturang katiwalian, hindi kaya marapat lamang lipulin ang ugat at utak ng kasumpa-sumpang smuggling sa bansa?