BAGUIO CITY - Itinaas sa P200,000 ang pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng nagpaputok ng baril na naging sanhi ng pagkamatay ng isang mag-aaral sa elementarya sa Tayum, Abra.

Sinabi sa Balita ni Senior Supt. Albertlito Garcia, direktor ng Abra Police Provincial Office na ang karagdagang reward ay ipinahayag mismo ni Gov. Eustaquio Bersamin sa Peace and Order Council meeting.

Aniya, hiniling ni Bersamin na bigyang prioridad ang kaso at nanawagan sa mga residente na makipagtulungan upang mapadali ang pagbibigay ng hustisya sa biktima.

“Hinihintay na lang namin ang resulta ng paraffin test sa limang katao, kabilang ang ama ng biktima, na nakitang nag-iinuman ‘di kalayuan sa lugar. Kung maging negatibo ito, tanging mamamayan lang ang makakatulong para malutas ang kasong ito,” ani Garcia.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

Matatandaang 12:20 ng umaga nitong Enero 1 at nakatayo sa labas ng bahay si Jercy Buenafe, 11, Grade 4, ng Barangay Bumangcat sa Tayum, nang makita ng ama ang dugo sa ulo nito. Mabilis na isinugod sa ospital ang biktima pero namatay dakong 3:30 ng hapon.

Agad na inihayag ni Police Regional Office (PRO)-Cordillera director Chief Supt. Isagani Nerez ang pabuyang P100,000 na boluntaryong inialok ng grupong PNP Civilian Pro-Peace Supporters sa ilalim ng Guardians Reform Advocacy and Cooperation Towards Economic Prosperity. - Rizaldy Comanda