MINSAN pa, sinalubong ng mga Pilipino ang pagsapit ng Bagong Taon. Tulad ng nagisnan at namanang tradisyon, sinalubong ito sa paglikha ng ingay at pagpapaputok, sa pag-atungal ng loud speaker, hihip ng mga torotot at iba pa. Sa kabila ng Oplan Iwas-Paputok, Sakuna at Sunog ng Philippine National Police (PNP) at ng Department of Health (DOH) ay hindi napigil ang ating mga kababayan. Tuloy ang putukan. May mga gagong pulis at sibilyan ang nagpaputok ng kanilang baril; hindi iniisip na makadidisgrasya sila. Anim na sibilyan ang inaresto dahil sa pagpapaputok ng baril. May 14 ang naging biktima ng ligaw na bala. Mas mababa, ayon sa PNP kaysa noong 2013 na 30 ang tinamaan ng stray bullet. Ang DOH ay nakapagtala ng 351 biktima ng paputok. Mas mababa raw ito kaysa noong 2013 na 578 ang biktima ng paputok ayon kay acting DOH Secretary Janette Garin.

May iba’t ibang paraan at paniniwala tayong mga Pilipino sa pagsalubong sa Bagong Taon. May naghanda ng 12 bilog na prutas, inilagay sa ibabaw ng mesa bago nag-Media Noche sa paniwalang ang 12 prutas ay sagisag ng bilang ng buwan bagong taon. May nagsuot ng kulay pulang damit na may disenyong polka dots; simbolo raw ng pagpasok ng pera. May paniwala naman ang iba na itinataboy raw ng ingay ang masamang espiritu sa kapaligiran na dahilan ng kalungkutan ng aalis na lumang taon at kagalakan ng Bagong Taon

Bukod sa nasabing paniwala, binuksan naman ng iba ang lahat ng ilaw sa loob ng kanilang bahay tumaas man ang singil sa kuryente ng Meralco na taas-baba ang singil sa mga consumer. Sa taas ng singil parang kinukuryente tuloy sa pagbabayad ang mga consumer. Binubuksan din kung minsan ang lahat ng bintana at pinto ng bahay upang pumasok umano ang grasya. Ngunit kung malasin ang may-ari ng bahay, bala at magnanakaw ang papasok sa loob ng kanilang bahay

Marami naman sa ating mga kababayan na dumalo sa New Year’s Eve vigil at nagsimba bago sumapit ang Bagong Taon. Naniniwala na ang pagdalo sa misa ay isang magandag paraan ng pagsalubong sa Bagong Taon. Mainam na pagkakataon din upang magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang tinanggap ng lumipas na taon. Matapat sa puso at damdamin ang pananalig at pag-asang maging maayos at payapa ang buhay.
National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS