Isang family outing sa pagdiriwang ng Bagong Taon ang nauwi sa malagim na trahedya matapos nasawi ang tatlong magkakapatid nang tumaob ang isang overloaded na bangka sa Carles, Iloilo noong Huwebes.

Labing isang katao na magkakaanak ang lulan ng F/B Reynaldo subalit lima lang ang nakaligtas nang tumaob ang sasakyang pandagat bunsod ng malakas na hampas ng alon sa karagatan ng Carles habang sila ay patungong Nabunot Island, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG).

“Magkakasama sila nang sila ay lumangoy sa baybayin,” pahayag ng isang opisyal ng PCG nang matagpuan ang apat na survivor habang bitbit ang tatlo pa nilang kasamahan na wala nang buhay.

Si Reynaldo Bartolome, lolo ng tatlong nasawing paslit, ang unang nakaligtas sa trahedya sa pamamagitan ng paglangoy sa baybayin dakong 5:00 ng hapon noong Enero 1. Si Bartolome ang may-ari ng lumubog na bangka,

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

Kinilala ng PCG ang tatlong namatay sa hypothermia na sina Jesabel, 10; Cristel, 6; at Cristop, dalawang taong gulang. Sila ay isinugod sa Jesus Colmenares District Hospital sa Balasan, Iloilo pero idineklerang dead on arrival.

“Base sa salaysay ng mga survivor, lahat sila ay nakakapit sa tumaob na bangka. Sila ay basangbasa at tinitiis ang sobrang lamig na hangin at tubig,” ayon pa sa PCG official.

Bukod kay Reynaldo, nakaligtas din sina Marivic, Ruffa, Jeramiel at Glorijane.

Pinaghahanap pa rin ng search and rescue team sina Anthony at Vincent Bartolome at Jay-R Besonia sa mga lugar ng Concepcion at Carles.

Kuwento ng mga survivor sa PCG, nakatali sina Anthony at Jay-R sa tumaob na bangka subalit naputol ito kaya natangay sila ng malakas na agos ng dagat.