Ni ALI G. MACABALANG
COTABATO CITY – Tatatak ang 2014 bilang taon ng pagsilang ng kapayapaan at pagsigla ng pamumuhunan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), isang napakalaking pagbabago at pag-asa na iniuugnay sa prosesong pangkapayapaan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nitong Disyembre 20 ay naitala ng Regional Board of Investments (RBOI) ng ARMM ang pagpasok ng P3.867-bilyon halaga ng investments, unang pagkakataon sa 25-taon ng rehiyon, higit pa sa doble sa naitala noong 2013.
Noong 2013, nakapagtala ang RBOI ng investments na aabot sa P1.463 bilyon, 157 porsiyentong mas mataas sa P569 milyon noong 2012.
Karamihan sa naitalang pamumuhunan sa ARMM noong 2012 ay sa agribusiness, renewable energy at mining.
Ang ARMM, na saklaw ang mga lalawigan ng Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi at mga lungsod ng Marawi at Lamitan, ay papalitan ng bagong autonomous political entity sa bisa ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at ng apat na annexes na napagkasunduan ng gobyerno at ng MILF noong 2014.
Bukod sa ARMM, kabilang din sa panukalang teritoryo ng Bangsamoro region ng mga siyudad ng Cotabato at Isabela, anim na bayan ng Lanao del Norte at 39 na barangay ng anim na bayan sa North Cotabato.
Ang karamihan sa kabuuang investments sa ARMM noong 2013 at 2014 ay nairehistro Maguindanao, na tahanan ng mahigit 10 pangunahing kampo ng MILF at pinangyarihan ng karumal-dumal na pagpatay sa 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag, noong Nobyembre 23, 2009.
Matatandaang ilang linggo matapos ang massacre ay ilang milyong pisong halaga ng proyekto sa Maguindanao ang binawi ng mga lokal at dayuhang investor. Nagsimulang dumagsa ang investments matapos pirmahan ng gobyerno at ng MILF ang Framework Agreement on the Bangsamoro (FAB) noong Oktubre 15, 2012.