Bagong Taon na sa unang araw ng 2015. Sa Gregorian calendar, na ginagamit ng maraming bansa, na ipinatupad ni Pope Gregory XIII noong 1582, itinakda ang unang araw ng taon bilang Enero 1, kung kaya ang New Year’s Day, na bahagi ng Christmas holiday, ang most celebrated na okasyon sa daigdig, na sinasalubong ng sangkatauhan na may pag-asa ay kagalakan.
Ang Bagong Taon ay isang maginhawang pagsisimula, isang pag-aasam, na may mga paghahangad para sa mabuting taon. Karaniwang sinasalubong ang Bagong Taon sa kasiyahan, street dancing, at mga party sa Bisperas ng Bagong Taon. Lumilikha ng ingay at sinisindihan ang mga kuwitis at paputok, upang palayasin ang luma at salubungin ang bagong taon sa pamamagitan ng pagkakapit-bisig at pag-awit ng “Auld Lang Syne”.
Sinasalubong ng mga Pilipino ang Bagong Taon ng may mga paputok, paghahampas ng mga kaserola, pagbubusina ng mga sasakyan, at pag-aalog ng mga barya, na pinaniniwalaang nagtataboy ng masasamang espiritu at pumipigil sa pagpasok ng kamalasan sa Bagong Taon. May piging sa mga hapagkainan bilang Media Noche, noodles para sa mahabang buhay, at 12 bilugang prutas para sa mabuting kalusugan at magandang kapalaran para sa susunod na 12 buwan.
Ang tradisyonal na simbolo ng New Year’s Day ay isang sanggol na lalaki (tinatawag na Baby Boy New Year) na may sash kung saan nakasulat ang bagong taon. Sa pagtatapos ng taon siya ay isa nang matanda (tinatawag na Father Time o Old Year) na may sash kung saan nakasulat ang nagdaang taon na ipinapasa ang kanyang tungkulin sa susunod na sanggol ng Bagong Taon.
Iba-iba ang pamamaraan ng selebrasyon sa buong mundo. Nagtitipun-tipon ang mga Londoner sa baybayin ng River Thames upang panoorin ang fireworks at maghintay kapag inihudyat na ng Big Ben ang hatinggabi. Hogmanay ang tawag sa Scottish party para sa New Year’s Eve. Nagpapatay naman ng ilaw ang Greek families pagsapit ng hatinggabi, hinihiwa ang vassilopita (Basil’s pie), at kung sino man ang makakuha ng barya sa loob niyon ay susuwertehin. Isang higanteng bola sa ibabaw ng One Times Square sa New York City ang ibinababa simula 11:59pm, na aabot sa ibaba pagsapit ng hatinggabi. Kaugalian naman sa Spain ang paghawak ng 12 ubas at kapag hatinggabi na, isa-isang kakainin ang ubas sa bawat bagting ng orasan para akitin ang suwerte. Mahalagang pista opisyal ang Bagong Taon (tinatawag na shogatsu) sa Japan, na may toshikoshi soba, na sumisimbolo sa mahabang buhay, na inihahain sa New Year’s Eve, at nagdaraos ng Bonenkai parties upang iwan na ang mga alalahanin ng taon na nagdaan. At ang mga mamamayan ng Canada, Ireland, at Netherlands ay nagtitipun-tipon sa mga beach at patakbong lumulusong sa tubig na tinatawag na polar bear plunges – upang salubungin ang Bagong Taon.