Noon ay may isang Mang Guido na isang mangingisda sa Dumaguete. May bangka si Mang Guido na pinangalanan niyang “Inday Yolanda” na kanyang ginagamit sa pangingisda matapos wasakin ng isang matinding bagyo ang nauna niyang bangka. Bagong pinta si Inday Yolanda kung kaya ipinagmamalaki ni Mang Guido ito sa mga kasama niya sa pangingisda. Ngunit dumating ang isa pang malakas na bagyo at nakalag si Inday Yolanda at napadpad sa batuhan. Ganoon na lamang ang pagkabahala ni Mang Guido nang makita niyang humahampas sa matatalas na adobe at bato ang kanyang pinakaiingatang bangka. Walang magawa si Mang Guido sapagkat nagsusumamo ang kanyang maybahay na huwag na niyang pangahasan na sagipin pa ang bangka dahil mapanganib.
Nang lumipas na ang unos, agad na kinuha ni Mang Guido si Inday Yolanda. Kaunti lamang ang pinsalang tinamo ng bangka, karamihan at galos at halos mabura ang pangalang “Inday Yolanda” sa gilid ng bangka. Akala ni Mang Guido mawawalan siya ng kabuhayan ngunit nabuhayan siya ng pag-asa. Kalaunan, puninturahan uli ni Mang Guido ang bangka, at pinangalanan niya itong “Bagong Pag-asa”.
Lahat tayo ay humaharap saamga “unos” ng buhay na mapanganib at nakamamatay. Ngunit humarap din sa ganoon ang ating Panginoong Jesus at nanaig Siya, kung kaya ganoon din ang nais Niyang gawin natin. Sa Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay, nilusaw ng Panginoon ang eternal na kamatayan upang makapiling natin ang Diyos na nasa Langit. Pansamantala lamang nating mararanasan ang pisikal na kamatayan at ang kontrol nito sa ating katawan na magtatapos sa ating muling pagkabuhay.
Ngayon, sa unang araw na ito ng Bagong Taon, at sa bawat araw, kaya nating harapin ang ano mang uri ng unos sa ating buhay sapagkat mayroon tayong kumpiyansa. Maaari ngang ihampas tayo sa batuhan bunga ng malalakas na alon at hangin ngunit hindi tayo mababagabag sapagkat lagi tayong may bagong pag-asa... Tiniyak iyon ng sa atin ng Dakilang Mangingisda - ang mapagmahal na Diyos.
Manigong Bagong Taon ng Pag-asa!