Ibahagi sa mahihirap ang tunay na diwa ng Pasko.

Ito ang panawagan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang mensahe para sa sambayanan ngayong Pasko.

Ayon kay Tagle, ang 2015 ay napapaloob sa pagdiriwang ng Simbahang Katoliko sa “Year of the Poor” o taon ng mga aba at sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas na may temang ‘mercy and compassion’.

Sinabi ng Cardinal na mahalagang isentro ang pagdiriwang kay Hesus na naging dukha ngunit pinagyaman ang sangkatauhan.

National

Asawa ni Harry Roque, pinaaaresto na rin ng Kamara

“Kaya sana ang Pasko ng taong ito ay itutok natin kay Hesus na naging dukha upang tayo ay mapagyaman at ipinadama sa atin kung ano ang malasakit at pagdamay ng Panginoon. Hindi kumpleto ang Pasko kung hindi natin tatanggapin si Hesus at ipadarama siya sa mga kapatid natin,” mensahe pa ng Cardinal.

Naniniwala rin si Tagle na ang tunay na sikreto ng maligayang Pasko ay ang pagpapakita ng pagmamahal at malasakit lalo na sa mga nangangailangan.

“Para masabi pong Merry Christmas o Maligayang Pasko kailangan po may mga dukha tayo na pakitaan ng pagmamahal, malasakit at pagdamay yan ang sikreto ng maligayang Pasko.”

Magugunitang inilunsad ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas ang pagdiriwang ng Year of the Poor para sa 2015 kung saan sesentro ito sa mga programa at pagkilos na para sa maralita.

Enero ng susunod na taon, inaasahan ang pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas upang madalaw at magsilbing inspirasyon sa mga naapektuhan ng kalamidad sa bansa.