BACOOR, Cavite – Patay ang dalawang hinihinalang holdaper makaraang makipagbarilan sa mga pulis noong Lunes ng gabi matapos nilang biktimahin ang isang convenience store sa Barangay Niog III sa lungsod na ito.

Agad na namatay ang dalawang suspek matapos na habulin ng patrol car ng pulisya ang sinasakyan nilang itim na Toyota Vios na walang plaka mula sa All Day Convenience Store, na tinangka nilang pagnakawan dakong 11:40 ng gabi nitong Lunes.

Bagamat hindi pa nakikilala, naniniwala ang pulisya na kapwa miyembro ng “Burdado” Gang ang mga suspek na nagmamanman sa mga convenience store at iba pang establisimyento, gayundin sa mga bahay.

Nabawi mula sa mga suspek pagkatapos ng engkuwentro ang isang automatic sub-machine pistol at isang .9mm pistol.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Iniulat nina Supt. Rommel C. Estolano, hepe ng Bacoor City Police, at Supt. Romano V. Cardino, hepe ng Police Provincial Office (PPO)-Intelligence Branch, na tanging ang .9mm pistol service pistol ni Patricio Punay, on-duty na security guard, ang tinangay ng dalawang suspek mula sa establisimyento.

Hinostage rin ng mga suspek si Joyce Tonocante, 28, cashier, at tumakas matapos mabigong makakuha ng pera at item mula sa establisimyento. Binaril pa ng isa sa mga suspek ang pintuan ng establisimyento bago sumakay sa kotse.

Isang nagpapatrulyang grupo ng mga pulis ang nakapansin sa komosyon at agad na rumesponde hanggang nangyari ang barilan. (Anthony Giron)