Inihayag ni Senate Pro Tempore Sen. Ping Lacson na umabot na sa anim na senador ang lumagda sa partial report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng kontrobersiya sa mga proyektong flood control.
Ayon kay Lacson, na siya ring chairman ng komite, kabilang sa pinakahuling pumirma sina Senate President Vicente Sotto III at Sen. Erwin Tulfo. Nauna namang lumagda sina Sen. Bam Aquino, Sen. Risa Hontiveros, at Sen. Kiko Pangilinan.
Sinabi rin ni Lacson na may ilan pang senador ang nagpahayag ng kahandaang pumirma sa ulat, bagamat kinakailangan ng hindi bababa sa siyam na lagda upang maisumite ito sa plenaryo para sa deliberasyon at posibleng pag-apruba.
Ipinaliwanag ng senador kung bakit may ilang miyembro ng mayorya na hindi pa lumalagda sa dokumento.
“One of the reasons why the other majority members have not signed or at least reluctant to do so is that they were being 'requested' by some of their former majority bloc colleagues,” ani Lacson sa kaniyang pahayag.
Sa kabila nito, iginiit ni Lacson na igagalang niya ang desisyon ng kaniyang mga kasamahan at hindi niya pipilitin ang mga ito na pumirma.
“I told [Senate President] Sotto earlier that I won’t plead with our fellow BRC members to affix their signatures on the partial committee report because I respect their individual decisions, whatever reasons they have in refusing to sign. Hence, SP Sotto promised to help in that regard," dagdag pa niya.
Nauna nang isinuspinde ni Lacson ang mga pagdinig hinggil sa umano’y anomalya sa flood control projects habang hinihintay ang pagsusumite at sponsorship ng partial report.
Batay sa mga naunang pahayag, inaasahang magrerekomenda ang ulat ng pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa ilang kasalukuyan at dating mambabatas na nasangkot umano sa isyu.
Kabilang sa mga pinangalanan sa imbestigasyon sina Sen. Chiz Escudero, Sen. Joel Villanueva, at Sen. Jinggoy Estrada, gayundin sina dating senador Bong Revilla, dating kinatawan ng Ako Bicol Party-list na si Zaldy Co, at dating kongresista ng Caloocan na si Mitch Cajayon-Uy.