Nag-offer ang aking pamangking si Redd na maglinis ng aming bahay. Naku, sa edad na 12, masasabing marunong maglinis ng bahay si Redd. Lahat yata ng sulok ng aming bahay ay kanyang winalis at pinunasan; niligpit ang mga magazine sa sala hanggang paliguan niya ang aming alagang aso na si Pitimini. Ngunit napansin ko na halos apat na beses na niyang nilinis ang ibabaw ng computer pati na ang CPU. Matapos ang halos isang oras at kalahating paglilinis, binigyan ko siya ng sandaang piso bilang gantimpala.

Nagpasalamat naman si Redd at abot hanggang tenga ang kanyang ngiti. Aniya, ipandadagdag daw niya iyon sa kanyang baon. Pero hindi pa siya umaalis ng bahay, patingin-tingin siya sa akin, pangiti-ngiti. “Redentor,” sabi ko, “may hidden agenda ka. Hindi ka talaga nagpunta rito para maglinis ng bahay. Ano’ng nasa isip mo?”

“Tita Vivi,” ani Redd, “gusto ko po sanang maglaro ng games sa computer ninyo.” Mabait na bata si Redd, at wala na akong magawa kundi ang pumayag sa kabila ng paglilihim niya ng kanyang ibang balak. Habang pinanonood ko si Redd sa paglalaro sa computer, naalala ko ang ibang tao na may ibang balak sa kabila ng kanilang pagbabalat-kayo. May ginagawa silang iba ngunit lingid sa kaalaman ng mga nakapaligid sa kanila na may masama silang balak.

Ngunit may mga tao rin namang agad nilang sinasabi ang kanilang pakay bago sila gumawa ng kung anuman. Iyan din ang masasabi natin sa Diyos. Wala Siyang ibang balak. Nilinaw Niya ang kanyang pakay sa simula pa lamang. At ito ang Kanyang balak: Bibigyan Niya tayo ng mga biyaya. Sa madaling salita, bibigyan Niya tayo ng masaya at masaganang buhay. Balak Niyang ibuhos ang Kanyang kabutihan sa atin. Ang problema lamang natin ay hindi ang balak Niya. Hindi tayo karapat-dapat sa mga biyaya ng Diyos at wala tayong magagawa upang makamtan iyon sapagkat iyon ay handog mula sa Diyos. Ayon sa Mabuting Aklat, binigyan ng Diyos si Abraham ng maraming biyaya gayong hindi naman ito banal. Sa pangako ng Diyos kay Abraham, idineklara Niya ang kanyang balak para sa buong kasaysayan ng daigdig – ang bigyan Niya ng biyaya ang lahat ng sangkinapal sa pamamagitan ni Abraham at ng kanyang mga anak. Nakararating sa atin ang biyayang iyon mula sa pinakamahalagang angkan ni Abraham: si Jesus. Si Jesus ang biyaya ng Diyos na ibinigay sa atin. Maligayang Pasko po!
Eleksyon

VP Sara, nag-eendorso raw para sa impeachment trial—solons