DAVAO CITY – Tatlong araw matapos umapela ang kanyang pamilya, pinalaya na rin ng New People’s Army (NPA) kahapon ng umaga ang dalawang sundalo na tinangay ng grupo matapos salakayin ang isang kumpanya ng prutas sa New Corella, Davao del Norte halos tatlong linggo na ang nakalilipas.
Ayon sa ulat ng militar, pinalaya ng mga rebelde sina Cpl. Benjamin Samano at Pfc. Alvin Recarte sa isang lugar sa Montevista, Compostela Valley.
Pinangunahan ng grupong Exodus for Justice and Peace (EJP) at ilan pang opisyal ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang pakikipagnegosasyon sa grupong komunista sa pagpapalaya kina Samano at Recarte.
Pawang miyembro ng 60th Infantry Battalion, tinangay ng mga rebelde sina Samano at Recarte nang salakayin ng mga ito ang Sumitomo Fruits Corporation sa New Corella, Davao del Norte noong Disyembre 2.
Kasama ang mga miyembro ng EJP, sinimulang umapela ng pamilya ng mga biktima noong Huwebes para sa pagpapalaya ng dalawang sundalo.
Inilipat na sa pangangalaga ng 10th Infantry Division at Easter Mindanao Command (EastMinCom) ang dalawang binihag na sundalo. - Alexander D. Lopez