Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na muli nilang bubuhayin ang subpoena laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa matapos kumalat ang mga ulat na nakalabas na ang senador ng Senado kaninang madaling araw nitong Huwebes.
Matatandaang ni-recall at ni-hold ng PNP - Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nauna na nilang subpoena laban kay Dela Rosa noong Miyerkules, Mayo 13, bilang pagpapakita na rin daw ng respeto sa institusyon ng Senado alinsunod sa proteksyong ibinibigay nila sa nasabing senador.
“This is related to the instruction of the PNP chief and the CIDG director as a show of respect for the Senate as an institution in connection with the protection order they issued for Senator Bato dela Rosa,” ani PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño.
Samantala, ayon naman sa naging bagong pahayag ni Tuaño sa isinagawa nilang press conference nitong Mayo 14, sinabi niyang matutuloy raw nila ang subpoena kay Dela Rosa kung totoong nakaalis na ito ng Senado.
“Ang mangyayari po niyan… ipapagpatuloy na lang po ‘yong subpoena,” pagsisimula niya.
Paliwanag ni Tuaño, nangyari lamang daw na nirerespeto ng PNP ang polisiya ng Senado kaya nagawa nilang magbigay ng letter of recall of subpoena sa opisina ni Dela Rosa.
“Pero ang sinasabi nga po natin, nirerespeto po ng Philippine National Police ‘yong pong polisiya sa institusyon ng Senado kaya po ito ay hinold,” pagtatapos pa niya.
Habang sinusulat ito, wala pa naman lumalabas na bagong impormasyon kung nasaang lugar na ngayon si Dela Rosa.
Sa kabila ito ng inisyung warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) kay Dela Rosa bilang “co-perpetrator” umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa war on drugs noon.
Matatandaang nagkagulo sa Senado noong gabi ng Huwebes nang may marinig na sunod-sunod na mga putok ng baril ang media sa loob mismo ng tanggapan nito.
Base sa bagong impormasyong mula sa South Police District, kinilalang driver ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasa likod ng naganap na kaguluhan.
KAUGNAY NA BALITA: ‘I will not arrest him!’ Pagdating ni SILG Remulla sa Senado, ‘di para arestuhin si Sen. Bato!
KAUGNAY NA BALITA: 'Tulungan n'yo ako!' Sen. Bato, nakatanggap daw ng impormasyong aarestuhin na siya ng NBI, CIDG!