May 21, 2026

Home BALITA National

'Ito po ang katotohanan!' Sen. Risa, nagpaliwanag bakit wala ilang senador sa Senado bago ang gulo

'Ito po ang katotohanan!' Sen. Risa, nagpaliwanag bakit wala ilang senador sa Senado bago ang gulo
Photo courtesy: MB File Photo

Nilinaw ni Sen. Risa Hontiveros kung bakit wala siya at iba pang mga senador bago sumiklab ang sigalot sa Senado noong Miyerkules, Mayo 13.

Ayon sa Facebook post ni Hontiveros nitong Huwebes, Mayo 14, normal lamang ang pag-uwi ng ilang senador, empleyado, at staff ng Senado dahil tapos na ang sesyon nang mga sandaling iyon. Aniya, bumiyahe siya patungong probinsya upang dumalo sa isang nakatakdang conference habang ang iba naman niyang kasamahan sa minority bloc at kanilang mga staff ay umuwi na rin.

“Wag naman nilang gamitin sa pamumulitika ang pag-uwi ng ating Senate employees, who are doing an honest day’s work,” ani Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, ang sentro umano ng kontrobersiya ay ang isang taong “ayaw humarap sa batas,” bagaman hindi niya direktang pinangalanan sa naturang pahayag si Senador Ronald dela Rosa.

Binatikos din niya ang nangyaring insidente sa Senado na aniya’y nagmistulang “shooting range” ang institusyon.

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“Unfortunately, the Senate, The People’s House, the hallowed space where laws are made and rights are defended, was turned into a shooting range,” saad ni Hontiveros. Dagdag pa niya, isa umano itong “desecration” hindi lamang sa gusali kundi maging sa tiwalang ipinagkaloob ng mamamayan sa Senado.

Binigyang-diin din ng senador na ang Senado ay pag-aari ng sambayanang Pilipino at walang sinuman ang maaaring umasta na tila pagmamay-ari nila ito o magbarikada sa loob nito.

Dahil dito, nanawagan si Hontiveros kay Dela Rosa na sumuko at makipagtulungan sa mga awtoridad kaugnay ng iniulat na warrant laban dito upang maiwasan ang panibagong tensyon at karahasan.

"Kaya sana, para maiwasan ang panibagong karahasan at tensyon sa loob man o labas ng Senado, mag-submit na at makipagtulungan si Senator Dela Rosa sa mga alagad ng batas ukol sa kanyang warrant," aniya.

Hiniling din niya ang isang “buo, independiyente, at walang hadlang” na imbestigasyon upang mabatid ang buong katotohanan sa nangyari.

Sa kabila ng kontrobersiya, tiniyak ni Hontiveros na magpapatuloy ang trabaho ng Senado.

“Anuman ang mangyari, magpapatuloy ang trabaho ng Senado. Let’s get our act together,” aniya.