Phillip Salvador

USAP-USAPAN ngayon ang pakikipagsigawan kamakailan ni Phillip Salvador sa isang banyaga na diumano’y nanghiya sa isang waitress sa isang restaurant.

Sa ulat na inilathala ng PEP noong Martes, tinukoy ang isang source na nagsabing naganap ang insidente noong Lunes sa SM Megamall branch ng Italian restaurant na Sbarro. Ayon sa source, ang banyaga ay isang Norwegian.

Sa mga panayam matapos ang insidente, inamin ni Phillip na totoong nakipagsigawan siya sa isang foreigner dahil narinig niya na tinawag na “stupid” at “bunch of idiots” ng Norwegian ang Pilipinong staff ng restaurant dahil hindi ito nasiyahan sa spaghetti na inihain sa kanya.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Nilapitan ni Phillip ang Norwegian upang sana ay sikaping mapakalma ito, dahil umiiyak na ang waitress na sinisigawan nito. Gayunman, ayon sa beteranong action star, galit ang lalaki na binalingan siya at sinabing, “Who the f*ck are you?”

Kaya sinagot niya ito ng, “I’m the f*cker who’s going to beat your ass if you don’t apologize to them.”

Nang magbanta ang foreigner na tatawag ng pulis, sinabi ni Phillip sa kanya na, “Hurry up! Please tell them to be here in five minutes, and I will tell them to throw you out of this place!”

Kasunod nito ay hinamon niya ng suntukan ang Norwegian, sinabing “You don’t insult the Filipinos.”

Sa puntong ito, galit na umalis ang banyaga.

Sinabi ni Phillip na ilang customer ang nakasaksi sa insidente at ang iba ay kumuha ng mga video.

Hindi siya nababahala na kumalat ng mga kopya ng video, at nanindigang tama ang kanyang ginawa.

Wala pang pahayag ang pamunuan ng Sbarro hinggil sa insidente. (PAU AGUILERA)