Ang mas nakararaming Pilipino – mahigit 88 porsiyento – ang nagsabing haharapin nila ang bagong taon na may pag-asa, ayon sa Pulse Asia survey na isinagawa noong Nobyembre. Isang porsiyento lamang ang nagsabi na hindi sila umaasa sa bagong taon, habang 11 porsiyento naman ang hindi makapagpasya.

Ang pag-asa ang isang bagay na mayaman ang mga Pilipino. Maaari ngang matindi ang kanilang pagdurusa sa nakaraang mga buwan – mula sa mga bagyo at iba pang natural na kalamidad, mula kahirapan bunga ng kawalan ng hanapbuhay, mula nang malaman na bilyun-bilyong pisong pondo ang nalustay dulot ng katiwalian ng ilang opisyal. Ngunit habang papalapit ng bagong taon, handa na nilang isantabi ang nakaraan at magsikap para sa isang bagong simula.

Ang pag-asa na ito ang nasa sentro ng pagsususpinde ng gobyerno sa operasyon ng militar laban sa sa New People’s Army epektibo mamayang hatinggabi, Disyembre 18. Maaaring magtaka ang ibang bansa sa taunang hakbang na ito ng pagsususpinde ng operasyon ng militar laban sa rebeldeng grupo kahit walang anumang kasunduan. Ngunit tinutugunan naman palagi ang hakbang na ito, sapagkat yaong mga nasa kabilang panig ay mga Pilipino rin na naghahagad ng pag-asa.

Ang pag-asa rin ang pinagsasaluhan natin sa buong daigdig ng mga Kristiyano sa bahaging ito ng taon. Ang Panahon ng Adbiyento na tumatanaw ng selebrasyon ng Pasko ay nagsisimula sa pagsisindi ng kandila ng pag-asa sa unang Linggo. Ang pag-asa ang pangalawa sa tatlong bertud ng Kristiyano na binanggit ni San Pablo sa isa sa kanyang mga liham sa mga taga-Corinto, kasama ang pananampalataya at pag-ibig.

National

Sen. Imee, nakikita na lang si PBBM sa 'public events'

“Hope springs eternal in the human breast,” anang isang makata. Ang pag-asa nga ay isang bertud ng tao na pinagsasaluhan ng sangkatauhan sa lahat ng dako, ngunit waring mas handa ang mga Pilipino kaysa iba pang lahi na isantabi ang kanilang kahirapan at harapin ang daigdig na may pag-asa sa bagong taon.

Sa natitirang mga araw ng 2014, maaaring magkaroon ng developments na magpapaalala sa atin ng mga problema ng nagdaang taon, ngunit may hudyat ang bagong taon ng 2015. Maaaring hindi ito maghahatid ng hitik na kasiyahan kundi mayaman sa pag-asa.