Hinablot ni Jamyla Lambunao, kinukonsiderang bagong talento sa Philippine memory sport, ang gintong medalya sa Random Words event bukod pa sa nasungkit ang International Master of Memory (IMM) sa ginanap na 23rd World Memory Championship noong nakaraang Linggo sa Hainan, China.

Lumahok sa Juniors Division sa unang pagkakataon, matagumpay na napasakamay ng Grade 8 student sa St. Scholastica’s Acedemy-Marikina na si Lambunao na mamemorya ang 207 salita sa loob ng 15 minuto upang bigyan ng natatanging gintong medalya ang Pilipinas sa internasyonal na torneo.

Napasakamay din ni Lambunao, may hawak ng tatlong world record sa 12-under Kids division, ang kinakailangang tatlong norms upang tanghaling IMM sa pagmemorya sa tamang pagkakasunod ang 1,048 digits sa 1 oras, makabisa ang 10 shuffled decks ng playing cards sa 1 oras at ang deck ng playing card sa 59 segundo.  

Hawak ng 13-anyos na si Lambunao ang tatlong world marks sa Kids Division sa pagmemorya ng 151 words sa loob ng 15 minuto, 206 digits sa 5 minuto at 280 digits sa 15 minuto.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

Nakamit din ni Axelyancy Cowan Tabernilla ng Mandaluyong City ang kanyang IMM title sa torneo matapos makamit ang kinakailangang huling norm sa pagmemorya ng 1,146 digits sa loob ng 1 oras.

“Next year, I am targeting to get the Grandmaster of Memory Title (GMM),” sabi ni Tabernilla.

Ang unang GMM ng bansa na si Mark Anthony Castaneda ay nag-uwi ng tansong medalya sa Team Philippines sa Historic Dates event, isa sa individual at ang isa sa overall category.

Tumapos naman ang Team Philippines na ang biyahe sa Hainan ay sinuportahan ng New San Jose Builders Inc., Geotechnics Philippines Inc., E.M. Cuerpo Inc. at Destiny Paints, bukod pa na may basbas ng Philippine Mind Sports Organization, na ikalima mula sa sumaling 20 bansa.  

Ang ibang miyembro ng koponan ay sina GMM Erwin Balines, Anne Bernadette Bonita at Roberto Racasa.

Kabuuang 169 mental athletes ang lumahok sa tatlong kategorya at tatlong araw na event.