Ipinagkibit-balikat lang ni Makati City Mayor Jejomar Erwin Binay ang mga kritisismo hinggil sa umano’y sobrang paggastos ng pamahalaang lungsod ng Makati sa New Year’s Eve Countdown party na kinansela kamakailan bilang pakikisimpatiya sa mga biktima ng bagyong “Ruby”.

“Ang totoong istorya rito ay hindi tungkol sa sobrang paggastos subalit nagdesisyon kami na hindi ituloy ang party dahil mayroong mga nagdurusa,” pahayag ni Mayor Binay.

Sa halip na gamitin sa magarbong selebrasyon sa Makati City tulad ng mga nakaraang taon, ilalaan na lang ang isang bahagi ng P30-milyon budget upang makatulong sa mga nasalanta ng bagyong Ruby sa Visayas at ilang lugar sa Bicol.

Magpapadala rin, aniya, ng mga Christmas bag ang pamahalaang lungsod para sa mga residenteng naapektuhan ng kalamidad.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

Kung umaapaw na ang relief goods sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Ruby, tiniyak ni Binay na mga medisina at medical team ang kanilang ipadadala sa calamity areas.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hinagupit ng bagyong Ruby ang maraming lugar sa Western at Eastern Visayas, Bicol at Southern Tagalog. Kabilang sa matinding naapektuhan ay ang mga bayan ng Dolores at Boronga sa Eastern Samar.

Sinimulang ipagdiwang ng Makati City government ang New Year’s Eve countdown noong 2004 na naging atraksiyon sa hindi lamang sa mga residente ngunit maging mga turista na dumarayo sa siyudad tuwing Pasko at Bagong Taon.