“Huwag gamitin ang kalamidad upang samantalahin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin”.

Ito ang panawagan ni Borongan Bishop Crispin Varquez sa mga negosyante, kaugnay ng pananalasa ng bagyong ‘Ruby’ sa bansa at ng mga ulat ng panic buying sa ilang lugar sa Eastern Samar, na isa sa mga inaasahang direktang tatamaan ng kalamidad.

Ayon kay Varquez, hindi dapat maging makasarili ang mga negosyante at sa halip na ang pagkita ang isipin ay isaalang-alang ang kalagayan ng mga kababayang mabibiktima ng bagyo.

Aniya, dapat ay panatilihin lang ng mga negosyante sa tamang presyo ang mga pangunahing bilihin.

National

Maza sa maritime drill ng PH, US, Japan sa WPS: ‘Mas lalo tayong nalalagay sa alanganin!’

Sinabi ni Varquez na hindi ito ang tamang pagkakataon para mag-isip ang mga negosyante ng malaking tubo o kita dahil hindi lamang sila ang may karapatang mabuhay.

Paalala pa ng Obispo, ang pagiging ganid at mapagsamantala ay isang malaking pagkakasala sa Panginoon at sa mga nagdurusang kababayan.

Samantala, binuksan din ng Borongan diocese ang pintuan ng mga simbahan nito para sa mga lilikas na mula sa mga coastal community.

Sa ngayon ay mayroon na umanong 100 evacuee, karamihan ay babae at bata, na nananatili sa kanilang kumbento.