Hindi inabot kahapon ng 1 oras ang University of Santo Tomas (UST) upang dispatsahin ang University of the Philippines (UP), 25-18, 25-11, 25-15, at makisalo sa liderato sa defending back-to-back champion National University (NU) sa men’s team standings ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan.

Nagtala ng 16 puntos si team skipper Mark Gil Alfafara na kinabibilangan ng 16 hits at 2 blocks upang pangunahan ang Tigers sa loob lamang ng 58 minuto.

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

Nag-ambag naman ng tig-11 puntos sina Jason Sarabia at Romnick Rico sa naturang panalo, ang ikatlong sunod ng Tigers na nag-akyat sa kanila sa liderato.

Ang nabanggit na panalo ng Tigers ang maituturing na pinaka-dominanteng laro sa season matapos nilang paulanan ng 42 hits ang Fighting Maroons.

Maging sa digs ay angat din ang UST, 2-14, gayundin sa reception, 17-12, kahit sa set kung saan nagtala ng 32 execellent sets si Kerby Castillo kumpara sa 13 lamang ni Joshua Cabatingan.

Wala namang nagtapos na may double digit performance sa Maroons na pinamunuan nina Wendell Miguel at Evan Raymundo na nagtala ng 7 at 6 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa isa pang laban, sa wakas ay nakatikim na rin ng panalo ang De La Salle University (DLSU) makaraang talunin ang dating kapwa winless na University of the East (UE), 25-19, 25-19, 25-21.

Pinamunuan ng beteranong si Red Christensen ang panalo sa kanyang iniskor na 16 puntos na kinabibilangan ng 14 hits at 1 ace habang nagdagdag naman ang mga kakamping sina John Arjay Onia at dating NCAA juniors MVP na si Jopet Movido ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Ni hindi naman halos nakakuha ng suporta si Edward Capusano na siyang tumapos na top scorer para sa Red Warriors sa naitala nitong 13 puntos kung kaya nalaglag sila sa ikatlong sunod na pagkatalo.