Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)

8 a.m. FEU vs. NU (m)

10 a.m. Adamson vs. Ateneo (m)

2 p.m. La Salle vs. NU (w)

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

4 p.m. Ateneo vs Adamson (w)

Ikalawang dikit na panalo ang kapwa tatargetin ng archrivals De La Salle University (DLSU) at defending women’s champion Ateneo de Manila University (ADMU) sa dalawang magkahiwalay na laro ngayon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Unang sasalang ang Lady Spikers ng La Salle kontra sa National University (NU) sa ganap na alas-2:00 ng hapon habang magtatagpo ang Lady Eagles at Adamson Lady Falcons sa ganap na alas-4:00 ng hapon.

Una rito, magtutuos naman ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws at reigning back-to-back champion NU Bulldogs sa ganap na alas-8:00 ng umaga na susundan ng salpukan ng Adamson at ng nakaraang taong losing finalist na ADMU sa ganap na alas-10:00 ng umaga.

Unang tinalo ng Lady Spikers ang Lady Falcons noong nakaraang Linggo sa loob ng apat na sets, 25-23, 24-26, 25-14, 25-17, sa pamumuno ng kanilang team captain at UAAP Season 75 co-MVP na si Victonara Galang na nagtala ng 22 hits at 5 blocks.

Muli, aasahan ni coach Ramil de Jesus para sa target nilang ikalawang sunod na panalo si Galang, katuwang ang kapwa beteranang si Mika Reyes, setter Kim Fajardo at ang impresibong rookie at kambal na sina Cienne Mary Arielle at Camille Marie Arielle Cruz.

Para naman sa kanilang katunggaling Lady Bulldogs, maghahabol ang mga ito upang makabangon sa natamong straight sets na kabiguan sa kamay ng reigning champion Lady Eagles noong opening day.

Samantala, sa tampok na laro, sisikapin naman ng Lady Eagles na dugtungan ang nasabing tagumpay laban sa Lady Bulldogs sa pagsagupa nila sa isa sa

itinuturing na delikadong kalaban na Adamson Lady Falcons.

“Sana every game maganda ‘yung maipakita naming laro. Kasi sigurado naman every game may iba’t ibang challenge kaming haharapin at sana magtuluy-tuloy na ‘yung magandang teamwork namin,” pahayag ni Ateneo skipper at reigning MVP Alyssa Valdez.

Bukod kay Valdez, tiyak na muling aasahan ni Thai coach Anusorn Bundit para sa target nilang ikalawang sunod na panalo sina Amy Ahomiro, Ella de Jesus, rookie Bea de leon, Michelle Morente, setter Julia Morado at libero Denden Lazaro.