Aprubado na ang Senate version ng paglalaan ng P3 bilyon pondo sa pagtatayo ng mga libreng WiFi spots sa mga pampublikong lugar sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang makatulong sa mga ordinaryong mamamayan na mapabuti ang kanilang buhay sa pamamagitan ng modernong teknolohiya.

Sinabi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na inirekomenda na ng Senate Finance Committee ang pagtataas ng 2015 budget para sa libreng WiFi program ng Department of Science and Technology (DoST) sa P3 bilyon mula sa P338 milyon.

Ayon pa kay Recto, na Finance subcommittee na sumasaklaw sa DoST at siya ring nagsulong ng pag-aamyenda sa budget ng free WiFi program, sinusuportahan din ni DoST Secretary Mario Montejo ang inisyatibo ng Senado hinggil sa naturang proyekto.

Noong Martes, binasa ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, chairman ng Finance Committee, ang pag-aamyenda.

Internasyonal

Embahada ng Pilipinas sa Korea, pinaiiwas mga Pilipino sa rally

Umabot sa 50,872 WiFi spots ang inilatag ng DoST na kabilang sa unang batch na ipatutupad sa susunod na taon.

Kabilang sa mga ito ang 7,917 public high school; 38,694 public elementary school; 113 state college; 1,118 pampublikong aklatan at pampublikong lugar sa 1,490 munisipalidad.

Sa blueprint na binalangkas ng DoST, ang WiFi connectivity ay itatayo sa 895 provincial at regional hospital, at medical center na pag-aari ng gobyerno sa Metro Manila.

“Kung anak ka ng isang OFW (overseas Filipino worker) at gusto mong gumamit ng Skype sa tabi ng inyong ama na nakadestino sa Middle East dahil isang miyembro ng kanilang pamilya ang may sakit, magagawa nilang makipag-usap sa kanya kahit pa nasa loob sila ng ospital,” pahayag ni Escudero.