Inihayag ng nag-iisang operator ng mga hybrid bus sa bansa na mamumuhunan ito ng P1.2 bilyon upang makapagdagdag ng 200 pang unit ng electric-diesel powered na pampublikong bus na bibiyahe sa Metro Manila sa susunod na limang taon.

Sinabi ni Philip Apostol, ng Green Frog Zero Emission Transport (Green Frog), na plano ng kumpanya na mamasada sa 20 pang ruta sa Metro Manila. Sa kasalukuyan, ang Green Frog ay bumibiyahe mula sa C5-Buting hanggang sa SM Mall of Asia sa Pasay City gamit ang walong hybrid bus na nagsasakay ng hanggang 6,000 pasahero araw-araw.

“The plan is to invest P1.2 billion over the next five years to ply 20 routes. The goal is to bring first-world, safe, comfortable and environment-friendly transportation here in the Philippines starting with Metro Manila,” sinabi niya sa paglulunsad ng rutang C5-SM MOA ng Green Frog.

Originally ay sa C5-Buting hanggang sa panulukan ng Buendia at Taft Avenue sa Pasay lang bumibiyahe ang mga hybrid bus ng Green Frog. Pero dahil sa dami ng pasahero, sinabi ni Apostol na hiniling na nila ang pahintulot ng gobyerno upang mapalawak ang ruta at maiugnay ang SM Aura sa Bonifacio Global City sa Taguig sa SM MOA sa Pasay City.

Mangingisda, patay matapos bumara sa lalamunan ang buhay na isda

Sa kasalukuyan, ang mga sumasakay sa hybrid bus ay sinisingil ng P30 sa pinakamahabang biyahe o P20 na minimum na pasahe. Gayunman, ang mga pasahero sa biyaheng panulukan ng Buendia at Taft Avenue hanggang sa SM MOA o vice versa ay sisingilin lang ng P10. Ang pagbabayad ng pasahe ay maaaring cash o sa pamamagitan ng tap-and-go card. - Kris Bayos