Naidulog na sa Special Task Force ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y anomalya sa National Agribusiness Corporation (NABCOR) na nagkakaladkad sa pangalan ni Health Acting Secretary Janet Garin.

Pero ayon kay Justice Secretary Leila de Lima sa panayam sa kanya sa NBI, hindi pa gaanong umuusad ang pagsisiyasat dahil marami pang kulang na mga dokumento.

Ang Special Task Force ang grupong nag-imbestiga rin sa pork barrel fund scam.

Kasama si Garin sa mga idinawit nina dating NABCOR Officials Rhodora Mendoza at Victor Cacal sa mga maanomalya umanong proyekto ng ahensya.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Ayon kina Mendoza at Cacal, isa si Garin sa mga pulitikong tumanggap ng tig-isang milyong piso mula sa pondo ng NABCOR noong siya ay kinatawan pa ng first district ng Iloilo. Itinanggi na ni Garin ang paratang.

Sinabi rin ni de Lima na kinumpirma na niya kay Health Secretary Enrique Ona ang isinasagawang imbestigasyon ng NBI hinggil sa pagbili ng PCV 10 vaccine ng DoH noong 2012.