Isang pira-pirasong katawan ng tao na nakasilid sa maleta ang nadiskubre sa kanto ng Fermina at Jacobo Streets, Barangay Poblacion sa lungsod ng Makati kahapon ng madaling araw.
Sinisiyasat ngayon ng Makati City Police ang kuha ng closed circuit television (CCTV) camera sa lugar na makatutulong sa pagtukoy sa dalawang babae na sakay ng taxi na nagtapon ng bangkay sa nasabing lugar.
Sa pahayag sa pulisya ng testigo na si Teresita Berbon, pasado 2:00 ng madaling araw lumabas siya ng kanilang bahay upang magsimba sa Baclaran nang makita ang isang taxi na tumigil sa kanto ng Jacobo at Dona Carmen Street. Bumaba ang dalawang babaeng pasahero na hirap sa paghila sa malaking brown na maleta.
Bandang 4:30 ng madaling araw natagpuan ng tatlong barangay tanod na nagroronda sa kalye ng Jacobo ang naturang maleta at siniyasat ang laman nito. Tumambad sa kanila ang nangangamoy at nakabalot sa plastic na bangkay na pinatungan ng kumot, muling ibinalot sa plastic, tinakluban ng mga damit at binudburan ng uling saka isiniksik sa loob ng maleta.
Hindi pa natitiyak ang kasarian ng bangkay na may mahabang buhok na halos kalansay na at pinaniniwalaang ilang buwan nang patay.
Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ng Southern Police District ang isang tarheta na may cellphone at landline numbers sa likod ng maleta subalit hindi na ito makontak.