Nagbabahala kahapon ang Department of Justice (DoJ) na kakasuhan nito at ipakukulong ang sino mang magkakalat ng maling balita tungkol sa Ebola outbreak.
Kasabay nito, kinumpirma din Justice Secretary Leila De Lima na iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Office of the Cybecrime ng DoJ ang pinagmulan ng tsismis na kumalat sa iba’t ibang social networking site na mayroon nang mga kaso ng Ebola sa bansa.
Itinanggi ng Department of Health (DoH) na nanggaling dito ang maling impormasyon hinggil sa Ebola outbreak.
Nilinaw din ng ahensiya na ang lumabas na post sa Viral Ninja (safeurlpath.com) kung saan inilathala na isang DoH employee na may pangalang “Gemma Sheridan” ang nagsabing may 18 kumpirmadong kaso ng Ebola na sa quezon City na lumitaw na isang kuryenteng impormasyon.
“Pinaiimbestihan na natin ‘yan,” pahayag ni De Lima sa text message.
Nagbabala ang opisyal na ang pagpapakalat ng tsismis at mga maling impormasyon ay maaaring parusahan sa ilalim ng Presidential Decree No. 90 na ipinalabas noong 1973 ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos.
At kapag ang tsismis ang ipinakalat sa online, ito ay saklaw naman ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.