JED-Madela-365x500

NAGULAT kami sa mensaheng ito na nanggising sa amin kahapon: “Jed Madela walang utang na loob sa ASAP.”

Kaagad naming tinawagan ang sender, pero ayaw kaming sagutin pero nag-text na tinawag daw na “monkeys” ni Jed Madela ang mga taga-ASAP at i-check daw namin ang post sa Facebook account nito.

Ito ang nabasa namin na post ni Jed Madela noong Linggo, 10:31 ng umaga: “Nothing’s changed. Same old sh**. I’ll just smile and imagine I’m dealing with a bunch of monkeys.”

SP Chiz, nanindigang walang isinukong soberanya ang bansa sa pagkaaresto kay FPRRD

May nag-comment sa post na ito ng, “Oh no, uminit na naman ulo mo Jed Madela. hahaha. Ignore those monkeys na lang.”

Sinagot naman ito ni Jed ng, “Nakakawalang gana nga, eh. Haaaayyy ganun ang ‘welcome back’ na walang kwenta. Hahahahaha tawa na lang at gaguhan. Hahahaha.”

Patuloy pa ni Jed, “Ang saya-saya nga po naming lahat sa ASAP kahapon (Linggo) kasi after a month lang kami nagkita-kita kasi nag-out of the country kaming lahat.”

Nang banggitin namin sa nagpadala ng mensahe na hindi taga-ASAP ang tinawag ni Jed ng ‘bunch of monkeys’, ang sabi sa amin, ipinost ito ni Jed habang nasa ASAP studio na siya.

Sa rehearsal pala kasi noong Linggo ay may mga nakarinig na sinabi ni Jed habang kausap ang taga-ASAP na, “hinihingi ni Jed ‘yung lines ni Yeng (Constantino) na biglang um-absent kasi maysakit, so silang tatlo nila Erik Santos at Angeline Quinto na lang ang natira sa production number nila.

“Hindi pumayag ang taga-ASAP since ‘yun lang daw ang prod ni Angeline, samantalang sina Erik at Jed ay may second prod pa na after Yolanda song. After that, lumabas na ‘yung post niyang, ‘dealing with monkeys again’.”

Para sa patas na pamamahayag, kinontak at tinanong namin si Jed tungkol dito at kaagad naman siyang tumawag para magpaliwanag.

“Na-misinterpret po ‘yung post ko, I was referring po sa staff ng Cagayan de Oro airport kasi we’re on our way to Manila at lahat nagmamadali, hindi maayos ang check in nila, sobrang higpit na hindi mo maintindihan. Nataon po kasi na nai-post ko ‘yan, nasa studio na ako,” paliwanag ng premyadong singer.

At tungkol naman sa hinihingi niyang linya ni Yeng na hindi ibinigay, “’Di po totoo ‘yun, sila (ASAP) po nagdi-divide ng mga lines ng songs namin and we work around it,” sabi ng singer.

Isa pang kuwento ng informant namin, narinig din si Jed habang kausap ang taga-ASAP na “hahawiin” niya sina Sarah Geronimo at Erik Santos sa production number nila noong August 24 episode ng ASAP.

“Noong August 24, ASAP episode, mainit din ang ulo niya kasi bakit ‘di daw siya isinali sa Broadway production nina Tanya Manalang, Leo Valdez, Joana Ampil, Gary V, eh, world-class naman daw siya. Reason daw ng taga-ASAP, ‘parati kang isinasali sa Broadway medley kaya pahinga ka na muna’.

“Instead, ibinigay sa kanya ang album launch of ABS-CBN Philharmonic Orchestra with Sarah and Erik, to sing Hanggan. Sa band rehearsal, hinihingi niya na mag-solo sa last part kasi ‘di naman daw kayang kantahin nina Erik at Sarah pero hindi pumayag ang ASAP dahil dapat trio sila kaya dapat trio sa ending. Then sabi niya, hahawiin niya lang daw sina Erik and Sarah sa production na ‘yun.”

Nagulat si Jed sa tanong naming ito at kaagad naman niyang sinagot.

“I really don’t know where this issue came from. In ASAP, whatever prod is given to us, ‘yun po ang inaaral namin at ginagalingan para gumanda.

“For the longest time, people know me as a team player especially when we do prod numbers. We work together para gumanda ang prod and I would never steal the spotlight from anyone. Kung solo prod ‘yun, game! Pero kung group prod ‘yun, we perform as one.

“With regards sa prod numbers, we can request from the staff of ASAP kung ano mga prod na gusto namin gawin at naibibigay naman minsan. I never demand for anything or any special treatment. Pantay-pantay kami lahat sa ASAP.

“ASAP has lots of artists at mahirap ilagay lahat sa isang show. Bitin ang oras. Na-explain na sa amin at naintindihan naman namin ‘yun. ‘Di madali ang trabaho nila to give prods to everyone. Sana kung sino man ang gumagawa ng issue, tigilan na at ‘di nakakabuti sa working relationship namin ng ASAP lalo na ‘pag may mga misunderstandings,” paliwanag ng singer.

Dagdag pa niya, “It never happened, wala akong sinabing ganyan, and I would never do such a thing. ‘Di hamak na mas magaling si Sarah sa akin! She is a total performer! And Erik is also an amazing singer, so it would never even cross my mind na isipin at sabihin na mas magaling ako.

“Sana ‘wag na lang ako gawan ng kuwento na di naman totoo, nakakasira lang sa akin at sa relationship ko with ASAP. I love them like family.”

Sabi namin kay Jed, baka naman nagkakabiruan sila sa terminong ‘hahawiin’ at may nakarinig na iba naman ang parating sa mga taga-ASAP.

“Kahit biruan po, I would never say that I am better that anyone else. That is just so wrong,” mabilis na katwiran ng singer.

Tinext namin ang nagpadala ng mensahe sa amin tungkol sa mga sagot ni Jed, “Parang hindi naman ganu’n, Ate Reggee, kasi iba talaga ugali ni Jed, maraming nakakarinig sa mga reklamo niya sa ASAP.

“Sino ang tinutukoy niyang bunch of monkeys? Mga taga-ASAP, di ba? Kasi sila ‘yung kausap ni Jed,” say sa amin.

Anyway, ang huling sabi sa amin ni Jed ay nakausap at naipaliwanag na niya ang panig niya sa business unit head ng ASAP na si Ms. Joyce Liquicia.