Ang ginawang paninita at pagpapaalala sa kanya ng head coach na si Norman Black ang tila nagsilbing panggising sa Gilas standout na si Gary David upang magsikap na maibalik ang kanyang dating laro.

Ayon kay David, matapos ang kanilang 41 puntos na pagkabigo sa Alaska noong nakaraang Undas, tila naalimpungatan si David makaraang pagsabihan ng kanyang kasalukuyang mentor.

Buhat sa kanyang mababang iskor sa kanilang unang tatlong laro, kung saan ay nagposte siya ng mga numerong malayo sa kanyang dating average, muling nagbalik si David at nagtala ng 23 puntos upang pangunahan ang Bolts sa winning track nang gapiin nila ang baguhang NLEX, 90-75, noong Miyerkules ng gabi sa Araneta Coliseum.

“Na-mention niya (Black) ako na kailangang lumaro ako ng maayos kung gusto naming makarating sa gusto naming outright semis. Kailangan ko raw ibalik ‘yung usual na laro ko, kaya ‘yun ang challenge niya sa akin,” pahayag ni David.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Aminado naman ang dating Lyceum standout na talagang nangapa siya sa kanilang unang tatlong laro, partikular sa laban nila sa Alaska kung saan ay nagposte lamang siya ng 4 puntos.

Kaya naman kasunod ng nasabing nakahihiyang pagkatalo, sinabi ni David na sadyang nagdoble siya ng kanyang effort sa ensayo, partikular sa kanyang shooting para maibalik ang kanyang kumpiyansa.

“Iba pa ang pakiramdam ko noong last three games namin. Wala pa ako sa kundisyon kaya sa practice namin, nai-workout ko ‘yun (shooting).”

At hindi naman siya nabigo dahil nakuha niyang pangunahan ang kanilang team tungo sa ikatlo nilang panalo.