KONTRA BROWNOUT ● Tiniyak ng Renewable Energy Management Bureau ng Department of Energy (DOE) na dadagsa ang pagpasok ng investors para sa renewable energy sa off-grid areas ng bansa. Pag-uusapan ng kanilang grupo ang maaaring maging problema ng mga investor at paplantsahin nila ang mga polisya upang mapabilis ang pagbuhos ng investors. Una kasing inihayag ng mga investor na mahaba ang proseso ng pagkuha ng mga dokumento tulad ng permit. Gayunman, kasalukuyan nang itinataguyod ng ahensiya ang Qualified Third Party (QTP) program at New Private Providers (NPP) program para mahimok ang pribadong sektor na mamuhunan sa power generation at distribution services sa unviable areas at small power utilities group o SPUG areas.

Tinalakay din ang EU SWITCH-Asia program kung saan naglaan ng P8 bilyong grant para maisulong ang green energy tungo sa climate change mitigation at poverty reduction, at ang GIZSupportCCC projects para mapailawan ang mga nasa liblib na lugar upang maging produktibo ang mga komunidad. Maginhawang isipin na umuusad ang mga programa ng ating gobyerno upang mapahupa ang problemang idudulot ng kakapusan ng enerhiya sa unang bahagi ng susunod na taon. Sapagkat marami ang nagbigay ng pananaw tungkol dito, lalo na mula sa mga kinatawan ng European Union Delegation to the Philippines, Deutsche Gesellschaft fur Internationale Zusammenarbeit, DOE, DTI, at iba pa, magliwanag sana ang pag-asa natin sa 2015.

NAKAGAT NI BANTAY ● May rabies man o wala, hindi mo gugustuhin ang makagat ng aso. Maraming kabit-kabit na problema kapag nakagat ka ng aso; nariyan ang pangamba ng rabies na maaari mong ikamatay, ang pakikipagtagisan ng talino mo sa may ari ng aso sa harap ng punong barangay, ang gastos ng paggagamot kapag positibo ka sa rabies, at kugn ano ang gagawin mismo sa asong nakakagat sa iyo. Kaya naman upang maiwasan ang mga nasabing problema, minarapat ng Provincial Health Office ng Nueva Vizcaya ang malawakang pagbabakuna sa mga alagang aso (lalo na yaong mga pinagagala lamang ng mga may-ari) noon. Kasama rito ang Anti-Rabies Information and Education campaign. Bunga nito, bumaba ang bilang ng mga kason ng dog bites ngayong third quarter kumpara sa first and second quarters ng taon. Ayon kay Maria Theresa Valdez, provincial rabies coordinator nakapagtala sila ng 1,351 ng kaso ng dog bite na mababa kumpara noong nakaraang taon. Umabot na umano sa 31,607 aso ang kanilang nabakunahan bilang pagtugon nila sa RA 9482 o Anti-Rabies Act of 2007.

Internasyonal

‘Doraemon’ voice actor Nobuyo Oyama, pumanaw na