Nag-iimbestiga ngayon ang pulisya makaraang makakuha sila ng spare parts at makina ng motorsiklo sa loob ng pampublikong hospital na ginagawa umanong taguan ng pinaniniwalang mga nakaw na sasakyan sa Albay.

Nadiskubre ang mga pinaghihinalaang gamit sa isinagawang search operations kamakalawa ng pinagsanib na puwersa ng Albay Police Provincial Office, Daraga Municipal Police Office, Legazpi City Police Office at ng Highway Patrol Group sa loob ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH).

Sa nasabing operasyon, nakarekober ang mga awtoridad ng iba’t ibang klase ng mga makina ng motorsiklo na pagaari ni Dr. Gabriel Peñaz, isang surgeon na nagtatrabaho sa BRTTH.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ang nasabing operasyon ay bunga na rin sa ipinadalang impormasyon sa pulisya na nagsabing si Peñaz ay isa sa mga pinagdadalhan ng mga ninakaw na motorsiklo.

Nasa pangangalaga na ng Regional Crime Laboratory ang mga nakumpiskang ebidensya at nakatakdang isailalim sa macroetching upang madetermina kung ito ay tutugma sa mga motorsiklong sinasabing ninakaw.

Sakaling mapatunayan na nakaw ang mga nasabing motorsiklo, mahaharap sa kasong carnapping si Peñaz.