Tiya Pusit

USAP-USAPAN ngayon sa umpukan ng mga katoto sa showbiz events kung sino kina Kris Aquino o Boy Abunda ang nagbayad ng hospital bills ng namayapang si Tiya Pusit sa Philippine Heart Center na umabot sa P1.5M.

Ang kuwento pala ay pumirma ng promisory note ang mga anak ng namayapang komedyana na huhulug-hulugan nila ang bill ng kanilang ina.

Nakalikom ng mahigit sa dalawang daang libong piso (P200,000) ang mga anak mula sa kinita ng benefit show ni Tiya Pusit kamakailan at mga abuloy at nang magbabayad na raw sila ay sinabihan sila ng cashier ng nasabing hospital ng, “Bayad na po ang bill ninyo” na ikinagulat ng pamilya at kaagad tinanong kung sino ang nagbayad, pero, “ayaw po niya ipasabi ang pangalan niya, pasensiya na po” ang sagot ng cashier.

National

Maza kay VP Sara: 'Hindi ikaw ang bida dito kundi ang taumbayang kinauutangan mo!'

Kaya’t umalis ng hospital ang pamilya ng namayapang komedyana na sobrang saya dahil wala na silang problema at ang nalikom na halaga ay ipampapagawa ng maayos na libingan ni Tiya Pusit.

At kaya nabanggit ang pangalan ni Kuya Boy ay dahil nu’ng nabalitaan daw niyang sasailalim sa by-pass operation ang komedyana ay pinahahanap daw ni Kuya Boy ang contact numbers ng mga anak dahil gusto niyang tumulong.

Tinanong namin kahapon habang tinitipa namin ang balitang ito ang Queen of All Media na kasalukuyang nasa Japan ngayon para sa shooting ng Kris TV in Japan ay mabilis naman siyang nagsabing, “No Reg, not me.”

At ang sagot naman ni Kuya Boy, “Hindi, Reggee, tumulong lang ako ng konti! It’s not fair to the family and to whoever paid for the bill. Salamat.”