Ni ELENA ABEN

Tatlong Pinoy na mangingisda ang nasagip ng mga crew ng USS Stethem (DDG 63), isang guided-missile destroyer ship, matapos masagasaan ang dalawang banka ng mga ito ng dambuhalang barko de giyera ng Amerika sa karagatan ng Kinabuksan sa Subic Bay, Zambales noong Lunes ng gabi.

Sa pamamagitan ng email, kinumpirma ni Capt. Craig Thomas, US Embassy-Military Public Affairs liason officer, na tumawid ang 19-talampakan na bangkang kahoy sa authorized outbound traffic sea lane kaya nasagasaan ng USS Stethem matapos itong umalis ng Subic dakong 8:36 noong Lunes ng gabi.

Nakaligtas ang tatlong mangingisda nang tumalon mula sa kanilang bangka habang pasalubong ang dambuhalang barko ng US.

PBBM, inalala si 'Apo Lakay' sa 107th birthday: 'His wisdom remains a guiding force!'

Sinabi ni Thomas na walang nasugatan sa insidente.

“As the USS Stethem proceeded in the center of the traffic sea lane, the ship’s safety officer reported Stethem had collided with a small unlit boat,” pahayag ni Thomas na nagsabi rin na walang ilaw o lampara man lang ang naturang mga bangka.

“All three personnel in the boat were recovered and after a medical evaluation the ship’s duty corpsman determined they were uninjured,” dagdag niya.

Ayon pa sa opisyal, hila ng bangka ang isa pang mas maliit na bangka na kapwa nawasak sa lakas ng pagkakabangga ng US war ship.

Nakilala ang tatlong mangingisda na sina Orlito T. Cocjin, 44; Julie Mendez, 43; at Pampilo B. Bascal, 33, kapwa residente ng Barangay Baretto, Olongapo City.